MANILA, Philippines – Nagawang mapasok ng hindi kilalang magnanakaw ang bahay ng isang binatang negosyante at natangay ang mahigit P.7 milyon halaga ng pera at alahas sa Malabon City.
Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, alas-8:05 ng Huwebes ng umaga nang matuklasan ng biktimang si alyas “Tom” 28, ang pagnanakaw nang magising siya at mapansing bukas ang pintuan sa terrace ng kanyang bahay sa Azucena St. Brgy. Longos.
Nang tignan ng biktima ang kanyang mga gamit, nadiskubre niya na nawawala na ang US$10,000 cash na katumbas ng P630,000.00, at tatlong mamahalin niyang relos na nagkakahalaga ng kabuuang P79,000.00.
Alas-7:50 ng Huwebes ng gabi nang i-report ng biktima sa pulisya ang nangyaring panloloob kaya nang mag-responde ang mga tauhan ng Northern Police District-Forensic Unit (NPDFU) sa pangunguna ni P/Maj. Sonny Boy Tepace, kontaminado at nasira na ang mga ebidensiyang posibleng makalap sa lugar ng krimen.
Katuwiran ng biktima, hindi kaagad niya nai-report ang pangyayari sa pulisya dahil inuna muna niya ang iskedyul ng nakatakda niyang pagpunta sa tanggapan ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa Malabon City Hall.
Sa isinagawang imbestigasyon, walang nakita ang mga imbestigador ng palatandaan na puwersahang binuksan ang pintuan sa terrace ng bahay kung saan umano pumasok ang mga suspek habang sinusuri na ang kuha ng mga CCTV sa lugar na posibleng makatulong upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga kawatan. Merly Duero