VATICAN – Nakabalik na sa Vatican si Pope Leo nitong Sabado ng hapon matapos ang apat na araw na pananatili sa Gemelli Hospital sa Rome dahil sa operasyon sa lung cancer.
Lumabas ang 71-anyos na Santo Papa na nakangiti, naglalakad nang walang alalay at kumaway sa mga tao.
Huminto para kausapin ang 13-anyos na si Varvara mula Ukraine na nasa Italy rin para sa cancer treatment.
Ayon sa mga doktor, maayos ang lagay ng Papa matapos alisin ang lower lobe ng kanang baga niya noong Martes.
Kaya nang gawin ang normal na daily activities at inaasahang pangungunahan niya ang lingguhang dasal sa Linggo ng tanghali sa St. Peter’s Square.
Na-diagnose si Pope Leo na may lung adenocarcinoma — ang pinakakaraniwang uri ng lung cancer. Hindi pa inilalabas ang sukat ng tumor o kung kumalat ito sa lymph nodes.
Ayon sa lead surgeon niyang si Dr. Stefano Margaritora, posibleng fully recovered na ang Papa sa loob ng 10 araw at walang hadlang para matuloy ang nakatakdang biyahe niya sa Uruguay, Argentina at Peru mula Nobyembre 6-17.
Natuklasan umano ang tumor nang hindi sinasadya sa isang routine abdominal exam.
Noong Biyernes, habang nasa ospital, nakausap pa ni Pope Leo sa telepono si Russian President Vladimir Putin para manawagan ng tigil-putukan upang makapasok ang tulong sa Oleshky, isang bayan sa Ukraine na kontrolado ng Russia. Jocelyn Tabangcura-Domenden