BENGUET-Shoot sa kulungan ang isang 26-anyos na lalaki matapos maaresto sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA at mga miyembro ng PNP sa Baguio City nitong Sabado, Oktubre 17.
Sa inilabas na Press Release ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera Administrative Region (PDEA-CAR), ang suspek na itinago sa alyas na “Buboy” ay residente ng naturang lungsod, isa umanong regional watchlisted drug personality.
Agad na inaresto ang suspek matapos nitong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang undercover agent.
Batay sa isinagawang pagsusuri sa laboratoryo, naglalaman ng 2.7259 gramo ng methamphetamine hydrochloride (shabu) ang mga nakumpiskang sachet, na tinatayang nagkakahalaga ng P18, 536.
Nakumpiska rin sa operasyon ang iba’t ibang mga drug paraphernalia.
Pansamantalang nasa kustodya ng PDEA-CAR ang suspek.
Kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kahaharapin ng suspek.
Pinangunahan ng PDEA-CAR Abra Provincial Office ang operasyon, katuwang ang Baguio City/Benguet Provincial Office, Regional Special Enforcement Team-Bravo, at Baguio City Police Office Station 2.
Pinuri ni PDEA-CAR Director Edgar T. Jubay ang mga operatiba sa kanilang patuloy na pagsisikap na sugpuin ang illegal na droga at protektahan ang komunidad.
Ayon kay Jubay, ipinakikita ng matagumpay na operasyon ang kanilang matibay na paninindigan na lansagin ang mga sindikato ng illegal na droga, kasabay ng pagkilala sa patuloy na suporta ng lokal na pulisya. Rolando S. Gamoso