MANILA — Nasa kamay na ng Department of Finance (DOF) ang susunod na hakbang para maisakatuparan ang bentahan ng apat na mamahaling Maserati Levante na nasa kustodiya ng Bureau of Customs (BOC), matapos tanggapin ang kabuuang alok na ₱7.05 milyon sa isinagawang negotiated sale.
Ayon sa BOC, umabot sa ₱7,055,664 ang kabuuang accepted offer ng Fast Car Traders Corp. para sa apat na luxury SUV na pawang 2021 models.
Gayunman, hindi pa pinal ang transaksyon dahil kailangan munang makuha ang pag-apruba ng DOF bago tuluyang maipatupad ang bentahan.
Kabilang sa mga sasakyang inialok ang dalawang Maserati Levante Modena na may presyong ₱1,594,388 at ₱1,601,000, habang ang dalawa pang Maserati Levante GT Hybrid ay may alok na ₱1,930,088 at ₱1,930,188.
Sa pamamagitan ng negotiated sale, layunin ng BOC na maipagbili sa naaayon sa batas at tamang proseso ang mga sasakyang nasa pangangalaga ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na kailangang matiyak ang transparency at pananagutan sa bawat transaksyon, lalo na kung ari-arian ng gobyerno ang pinag-uusapan.
Ayon sa kanya, mahalagang masunod ang lahat ng kinakailangang proseso at pag-apruba upang mapangalagaan ang interes ng publiko at matiyak na legal at patas ang disposisyon ng mga sasakyan.
Ang naturang bentahan ay bahagi ng pagsusulong ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement sa ilalim ng pamumuno ni Nepomuceno, na naglalayong palakasin ang integridad, wastong pamamahala at transparency sa Bureau of Customs.
Sa ngayon, nakasalalay pa sa pag-apruba ng DOF ang pinal na pagsasakatuparan ng bentahan, bago tuluyang maisara ang transaksyon para sa apat na mamahaling sasakyan. JAY Reyes