MANILA, Philippines – Nagsanib-pwersa ang Maritime Industry Authority (MARINA) at International Maritime Safety Security Environment Academy (IMSSEA) para sa specialized training ng 31 technical personnel upang masigurong ligtas bumiyahe at sumusunod sa, safety standards ang mga barko.
Sinimulan noong Oktubre 13, 2026 ang Flag State Implementation (FSI) Course, habang nakatakda naman ang Ship Condition Surveyor (SCS) Course sa Oktubre 19-30, 2026.
Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, bahagi ito ng pagsisikap na palakasin ang flag State administration at paghusayin ang kakayahan ng mga surveyor, dahil direktang nakakaapekto ang kalidad ng inspeksyon sa kaligtasan ng pasahero, crew, at marine environment.
Tatalakayin sa FSI course ang obligasyon ng maritime administrations sa pagpapatupad ng maritime standards, habang sa SCS course naman ay ang pagpaplano ng ship surveys, interpretasyon ng requirements, at epekto ng noncompliance kabilang ang posibleng detention ng barko.
Nagsisilbing lecturer ang Italian maritime expert na si Capt. Federigo Ribechini, habang binigyang-diin ni IMSSEA Project Manager Carmen Giordano ang halaga ng international cooperation.
Giit ni Malaluan, hindi lang paghahanap ng depekto ang inspeksyon kundi kailangang maibahagi rin ang kaalaman para ma-standardize ang inspection practices sa lahat ng tanggapan ng MARINA. Jocelyn Tabangcura-Domenden