Home NATIONWIDE Champi wala pang direktang epekto sa bansa

Champi wala pang direktang epekto sa bansa

1
0

MANILA, Philippines — Papalapit na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Champi, ngunit wala pa itong direktang epekto sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Lunes.

Sa ulat alas-5 ng umaga, sinabi ng Pagasa na namataan ang bagyo 1,720 kilometro silangan ng Southern Luzon bandang alas-3 ng umaga.

Ayon sa weather specialist na si Aldczar Aurelio, humina ang Champi at naging typhoon noong Linggo ng gabi, taglay ang maximum sustained winds na 175 kilometro kada oras (kph) at pagbugsong umaabot sa 215 kph.

“Kumikilos ito papalapit sa PAR pero ang bagyong ito ay wala pang direktang epekto sa ating panahon ngayong araw,” ani Aurelio.

Inaasahang papasok ang Champi sa PAR sa Martes at tatawagin itong Rosal. Posible rin itong lumakas muli bilang super typhoon habang nasa Pacific Ocean ngayong linggo.

Maaari itong magdala ng malalakas na ulan at hangin sa ilang bahagi ng Northern Luzon pagsapit ng Huwebes at Biyernes.

Samantala, magdadala ang easterlies ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Bicol Region, Quezon, Romblon, Marinduque at Oriental Mindoro ngayong Lunes.

Dahil naman sa intertropical convergence zone, inaasahan ang maulap na panahon at kalat-kalat na thunderstorms sa Palawan, Zamboanga Peninsula, Basilan at Tawi-Tawi.

Asahan ang pangkalahatang maayos na panahon sa natitirang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao, maliban sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Inaasahang temperatura:

–Metro Manila: 24°C–32°C

–Laoag: 24°C–34°C

–Baguio: 17°C–24°C

–Tagaytay: 22°C–29°C

–Tuguegarao: 24°C–33°C

–Legazpi: 25°C–32°C

–Kalayaan Islands: 25°C–31°C

–Puerto Princesa: 25°C–32°C

–Iloilo: 26°C–32°C

–Cebu: 26°C–32°C

–Tacloban: 25°C–32°C

–Zamboanga: 24°C–33°C

–Cagayan de Oro: 25°C–31°C

–Davao: 25°C–33°C

RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here