Home METRO Bagong 6-storey school building, pinasinayaan ni Yorme Isko sa Maynila

Bagong 6-storey school building, pinasinayaan ni Yorme Isko sa Maynila

3
0

MANILA, Philippines — Mas moderno at komportableng silid-aralan ang naghihintay sa mga batang Manilenyo matapos pinasinayaan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Lunes ang bagong anim na palapag na gusali ng Aurora A. Quezon Elementary School sa San Andres, Malate.

May kabuuang 68 silid-aralang kumpleto sa air-conditioning ang bagong gusali, kasama ang iba’t ibang pasilidad na naglalayong mapabuti ang pag-aaral ng mga estudyante sa isa sa pinakamatandang pampublikong paaralan sa Maynila.

Sa lawak na 2,596 metro kuwadrado at kabuuang floor area na 11,221 metro kuwadrado, natapos ang proyekto sa dalawang yugto—ang una noong Disyembre 2023 at ang ikalawa nitong Agosto 2026.

Ayon kay Domagoso, mas makabubuting maagang magtayo ng mga pasilidad na kakailanganin ng susunod na henerasyon kaysa hintaying lumaki pa ang pangangailangan ng mga paaralan sa lungsod.

“To build today is cheaper. To build today is better,” diin ng alkalde, na nagsabing mahalagang magkaroon ng mas moderno, maayos at disenteng kapaligiran para sa mga mag-aaral at guro.

Bilang produkto mismo ng pampublikong sistema ng edukasyon, ibinahagi rin ni Yorme sa mga estudyante ang kanyang karanasan at hinikayat silang mangarap nang mataas.

“Who would have thought na isa sa mga estudyante ninyo ay pwedeng maging mayor ng Maynila? I’m a product of the public education system, full-blooded,” pahayag ni Domagoso.

Hindi lamang mga naka-aircon na classroom ang tampok sa bagong gusali. Mayroon din itong computer room, library, silid para sa Madrasah at Alternative Learning System (ALS), faculty rooms, canteen, clinic at dalawang elevator.

Kasabay nito, ibinahagi ni Isko ang plano ng lungsod na palawakin pa ang oportunidad sa kolehiyo, partikular sa larangan ng medisina, nursing at allied health sciences.

Inaasahang matatapos din ang bagong gusali ng Allied Health Sciences ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) malapit sa Quirino Avenue at Roxas Boulevard, katabi ng bagong Hospital ng Maynila.

Ayon sa alkalde, layunin ng pasilidad na mapalawak mula 300 hanggang 5,000 ang bilang ng mga mag-aaral sa medical at allied health courses.

“Ang City of Manila will provide it for free,” saad ni Yorme, na tumutukoy sa libreng pag-aaral sa mga kursong ilalaan sa bagong pasilidad.

Mahigit pitong dekada nang nagsisilbi sa komunidad ng Malate ang Aurora A. Quezon Elementary School, na opisyal na pinangalanan noong Setyembre 28, 1951, sa panahon ni dating Mayor Manuel dela Fuente.

Bahagi rin ng mas malawak na programa ng administrasyong Domagoso ang pagpapatayo at pagpapahusay ng mga pampublikong paaralan sa kabisera.

Kabilang dito ang 10-palapag na gusali ng Manila Science High School na may 158 naka-aircon na silid-aralan, library, auditorium, basketball gym, canteen at limang elevator. Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱1.3 bilyon.

May bagong 10-palapag ding gusali ang itinatayo para sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, habang nagpapatuloy ang konstruksyon ng bagong gusali ng Ramon Magsaysay High School sa Sampaloc.

Inaasahang magkakaroon ang gusali ng Ramon Magsaysay High School ng gymnasium, auditorium, apat na science laboratory, library at e-library, outdoor sports facilities at dalawang silid para sa mga batang may special educational needs.

Sa sunod-sunod na proyektong pang-edukasyon, layunin ng pamahalaang lungsod na makasabay ang mga paaralan sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral at sa pangangailangan ng makabagong edukasyon sa Maynila. JAY Reyes

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here