Home NATIONWIDE Sapat na suplay ng tubig vs El Nino, pinatitiyak ni Bam sa...

Sapat na suplay ng tubig vs El Nino, pinatitiyak ni Bam sa DepEd sa lahat ng public school

1
0

MANILA, Philippines – Sa inaasahang paglala ng El Niño sa mga susunod na buwan, hiniling nj Senador Bam Aquino sa Department of Education (DepEd) na ihanda ang mga paaralan sa posibleng kakulangan ng tubig at matinding init upang maprotektahan ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante.

Sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng DepEd, na pinangunahan niya bilang chairperson ng Finance Subcommittee B, nagpahayag ng pangamba si Aquino na ang kakulangan ng tubig, lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng epekto ng El Niño, ay maaaring makaapekto sa supply ng maiinom na tubig at sanitasyon sa mga paaralan.

“Iyong tubig mas magiging mahirap in a few months. I know there are already a hundred plus municipalities who have declared an emergency because of El Niño. Are our schools prepared?” tanong ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Ayon kay Aquino, kailangang maging handa ang mga paaralan hindi lamang sa matinding init kundi maging sa posibleng kakulangan ng tubig na kailangan upang mapanatili ang kalusugan at kalinisan ng mga estudyante.

“I just want to flag the lack of water for the CR, for the canteen, drinking water, for hydration. Naka-budget na ba itong El Niño preparation natin for the schools?” sabi niya.

Hiniling din ng Senador kay DepEd Secretary Sonny Angara na maglabas ng memorandum para sa mga school principal at guro tungkol sa mga hakbang na dapat gawin upang makapaghanda sa El Niño, kabilang ang pagtiyak sa sapat na supply ng tubig para sa kalinisan ng mga paaralan.

“Maybe we could issue a memo talking to the teachers and the principals on how to prepare for the El Niño, like catchment of water, mga balde, mga jerrycan, or ways to be able to keep water for sanitation,” sabi niya.

Sinabi rin Aquino na kailangang isaalang-alang ng mga paaralan ang hiwalay na pangangailangan para sa ligtas na inuming tubig. Aniya, ang pagbili ng maiinom na tubig ay maaari ring makadagdag sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng mga paaralan.

Samantala, tiniyak ni Angara kay Aquino na maaaring suspindihin ang mga klase kapag umabot sa mapanganib na antas ang temperatura upang maprotektahan ang mga estudyante laban sa mga sakit na dulot ng matinding init, kabilang ang pananakit ng ulo at pagdurugo ng ilong.

Ipinaliwanag ni Angara na kahit karaniwan na mga lokal na pamahalaan ang nagpapasya sa suspensyon ng klase, may kapangyarihan din ang mga opisyal ng paaralan na magsuspinde ng klase kapag umabot sa antas ng emergency ang sitwasyon, alinsunod sa umiiral na mga alituntunin.

Nauna nang hiniling ni Aquino kay Senate President Sherwin Gatchalian na muling ipatawag ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee upang matiyak ang iisang pagkilos ng pamahalaan sa paghahanda para sa posibleng epekto ng “Super El Niño.”

Itinatag ng Senado noong Marso 2026 ang PROTECT Committee, na pinamunuan noon ni Gatchalian, upang bumuo ng komprehensibong mga pagkilos para tugunan ang epekto ng kaguluhan sa Middle East sa supply ng langis at ekonomiya ng Pilipinas.

Iginiit ni Aquino ang agarang pangangailangan para sa koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa kanilang paghahanda at pagtugon, gayundin ang pagpapatupad ng mga konkretong hakbang upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa posibleng epekto ng Super El Niño, partikular sa kabuhayan, edukasyon, agrikultura, kalusugan, seguridad sa pagkain, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at mahahalagang serbisyo.  Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here