MANILA, Philippines — Hinikayat ni Labor Secretary Francis Tolentino ang mga kabataan na pasukin ang sports at malinang ang kanilang talento.
“We hope to inspire our youth to go into sports”, ani Tolentino sa exhibition fight sa Tagaytay Fight Night noong Oktubre 18. Ang kanyang anak na si Tagaytay Councilor Michael Tolentino ang promoter ng naturang event dahil sa hilig nito sa sports.
Ayon sa kalihim, susuportahan niya ang mga gawaing makatutulong sa kabataan, kabilang ang sports.
Tampok sa boxing event ang mga international championship bout na may nakatayang titulo mula sa World Boxing Federation (WBF), Oriental and Pacific Boxing Federation (OPBF), at World Boxing Council (WBC).
Sumabak din sa exhibition fight si dating Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga, na nagwagi laban kay Tain Landrito. Ayon kay Barzaga, mas marami na siyang oras upang magsanay sa iba’t ibang sports, gaya ng boxing, fencing at taekwondo, mula nang hindi na siya miyembro ng Kongreso.
Sinabi naman ni Tolentino na siniguro nilang nasa maayos na kondisyon ang dating mambabatas, lalo na ang kanyang pisikal na kalagayan.
Ayon pa sa kalihim, lumahok din sa kompetisyon ang mga boksingerong mula Thailand, Egypt at Hong Kong, kasama ang mga nangungunang Filipino contender.
Samantala, nagbigay rin ng reaksiyon si Barzaga sa palitan ng pahayag ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Chinese envoy hinggil sa West Philippine Sea (WPS). Aniya, kailangang makahanap ng mapayapang resolusyon na pakikinabangan ng sambayanang Pilipino.
Dagdag pa niya, dapat munang hintayin ang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa usapin. Jocelyn Tabangcura-Domenden