Home NATIONWIDE 50 pang OFWs mula Riyadh nakauwi na; 300 hinihintay pang ma-repat

50 pang OFWs mula Riyadh nakauwi na; 300 hinihintay pang ma-repat

2
0

MANILA, Philippines — Umuwi na sa bansa ang ikalawang batch ng 50 overseas Filipino workers (OFWs) mula Riyadh, Saudi Arabia, habang nasa 300 pa ang hinihintay na ma-repatriate sa gitna ng mga kanselasyon at pagkaantala ng flights sa rehiyon.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), dumating ang grupo sa NAIA Terminal 3 dakong alas-8 ng umaga nitong Martes sakay ng Qatar Airways Flight QR934. Umabot na sa 84 OFWs ang kabuuang na-repatriate matapos ang unang batch na binubuo ng 34 katao.

Sinabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na humigit-kumulang 300 pang OFWs ang pinoproseso para sa mga susunod na flight pabalik ng Pilipinas.

Dahil sa mga kanselasyon at delay ng flights sa Riyadh dulot ng tensiyon sa rehiyon, inayos ng OWWA ang alternatibong ruta kung saan bumiyahe ang mga OFW nang tatlo hanggang apat na oras mula Riyadh patungong Al Qassim bago sumakay ng kanilang flight pauwi. Sinamahan sila ng mga welfare officer mula sa Migrant Workers Office.

Pagdating sa Pilipinas, naglaan din ang OWWA ng transportasyon, temporary accommodation at domestic flight assistance para sa mga kailangang umuwi sa kani-kanilang probinsiya.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang OWWA sa Department of Migrant Workers, Philippine Embassy sa Riyadh at Migrant Workers Office sa Saudi Arabia para sa repatriation ng natitirang mga OFW.

Pinopondohan ang repatriation sa pamamagitan ng supplemental Emergency Repatriation Fund ng OWWA. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here