Home OPINION KABLE NG KAPABAYAAN, PANGIT SA PANINGIN AT PANGANIB SA BUHAY

KABLE NG KAPABAYAAN, PANGIT SA PANINGIN AT PANGANIB SA BUHAY

2
0

HINDI lamang nakasisira sa paningin ang nagbubuhol-buhol at nakalaylay na mga kable sa ating mga lansangan. Ang mga ito ay malinaw na patunay ng kapabayaan ng ilang kompanya ng utility na tila nakalimot sa kanilang tungkuling pangalagaan ang kaligtasan ng publiko at kaayusan ng kapaligiran.

Mabuti na lang at nagpanukala si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan na magpataw ng mabigat na multa at suspindihin o bawiin ang permit ng mga kompanyang hindi nag-aalis ng mga hindi na ginagamit na kable.

Sa ilalim ng House Bill No. 11461, layuning wakasan ang problemang matagal nang nagpapangit sa ating mga lansangan at naglalagay sa panganib sa buhay ng mamamayan.

Grabe naman kasi ang ilang kompanya na iiwan na lang bastang nakalaylay ang mga patay na kable, nakasabit sa poste na para bang wala silang obligasyong ayusin at wala silang pananagutan sakaling maaksidente ang mga ito. Nagiging eye sore ang mga ito, lalo na sa mga komunidad at pangunahing lansangan na dapat sana’y maayos, malinis at ligtas.

Higit pa sa pangit na tanawin, maaaring maging sanhi ng aksidente, pagkakuryente at pagkasira ng ari-arian ang mga kable na hindi maayos ang pagkakabit. Hindi dapat hintaying may masaktan o mamatay bago kumilos ang mga kinauukulan.

Kaya makatuwiran ang panukalang multang P300,000 para sa paglabag sa mga pamantayan sa kaligtasan at hindi bababa sa P100,000 kada araw para sa hindi pag-aalis ng mga patay na kable. Dapat ding panagutin ang mga kompanyang mapatutunayang nagdulot ng pinsala dahil sa kanilang kapabayaan.

Para mas makasiguro na hindi lang mabigat na parusa sa mga pabayang kompanya, dapat ay seryosong magpatupad ng panuntunan ang mga lokal na pamahalaan na titiyakin mismo nil ana maglalaan sila ng regular na iniinspeksyon ang mga poste at kable, at walang pinapaborang kompanya sa paglalapat ng batas.

Ang mga kompanya ng utility ay kumikita sa serbisyong ibinibigay nila sa publiko. Nararapat lamang na tumbasan nila ito ng maayos na pasilidad, disiplina at pananagutan. Hindi pribadong bakuran ang ating mga lansangan upang gawing tambakan ng patay na kable.

Ang kaligtasan at kaayusan ng mamamayan ay hindi dapat isakripisyo para sa kanilang pagtitipid sapagkat bayad sila sa kanilang serbisyo

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here