BAKIT maraming ahensya ng gobyerno ang walang sariling parking?
Hindi naman daw customer ang mga sakay ng sasakyan ng Department of the Interior and Local Government na nakitang nasa harapan ng establisimyento ng PEGASUS. Nakiparada lamang daw sila sa parking space ng nasabing nightclub.
Sa mga hindi taga-Quezon City, ang Pegasus ay isang kilalang establisimyento sa kahabaan ng Quezon Avenue, malapit sa St. Peter Memorial Homes.
Noong araw, nang wala pang malawak na parking space sa St. Peter, at nakita ang sasakyan ni mister sa harap ng PEGASUS, ang naging depensa niya ay may dinalaw lamang siya sa St. Peter at nakiparada lang sa tapat ng nasabing establisimyento.
Parang ganoon din ang depensa ngayon ng ilang taga-DILG: dahil walang maparadahan, doon na lamang sila nagparada.
Pero madaling malaman kung talagang nakiparada lamang ang mga sakay ng sasakyan o customer sila ng establisimyento. Maaaring tanungin ang mga nagtatrabaho roon upang malinawan ang usapin.
Mahalaga ring malaman kung anong oras nakunan ang mga sasakyan—araw ba o gabi? May CCTV naman na maaaring makatulong sa pagtukoy kung kailan dumating at umalis ang mga ito.
Gayunman, higit sa kontrobersiya ng mga sasakyang nakaparada sa “girlie bar”, dapat ding suriin ng pamahalaan ang kakulangan ng parking space sa mga tanggapan nito. Sa Camp Crame, halimbawa, may mga sasakyan ng ilang opisyal na nakaparada sa mga kalsada sa harap, na nagiging sanhi ng pagsisikip ng trapiko.
Kulang, kung hindi man wala, ang parking space ng ilang ahensya para sa kanilang mga kawani at mga mamamayang may transaksyon.
May mga solusyon naman. Sinimulan na ng Department of Transportation ang pagko-commute ng mga opisyal. Maaari ring palawakin ang mabilis at episyenteng online services upang hindi na kailangang personal na pumunta ang publiko sa mga tanggapan ng gobyerno.
Balikan natin ang DILG service vehicle na sinasabing nakiparada lamang sa Pegasus. Kung parking talaga ang problema, bakit doon pa pumili ng lugar gayong may mas malapit na mapaparadahan sa DILG building sa EDSA corner Quezon Avenue?
Ang kakulangan sa parking ay hindi dapat maging dahilan upang balewalain ang tamang paggamit ng sasakyan at mga espasyong hindi naman pag-aari ng gobyerno.






