TAGUIG CITY — Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos makumpiskahan ng mahigit P442,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Western Bicutan, Taguig City, Lunes ng gabi, Oktubre 19.
Kinilala ng Taguig City Police ang mga suspek na sina alyas “June,” 41, na itinuturing na high-value individual (HVI), at alyas “Jane,” 38, isang street-level individual (SLI). Kapwa sila residente ng Barangay Fort Bonifacio.
Batay sa ulat na isinumite kay Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Rodel Pastor, isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang operasyon dakong alas-8:30 ng gabi sa harap ng Gate 3 Plaza sa Juliano Avenue.
Narekober umano sa mga suspek ang dalawang heat-sealed plastic sachet at isang nakabuhol na plastik na naglalaman ng kabuuang 65.06 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P442,408.
Nasamsam din ang P500 buy-bust money at anim na tig-P1,000 boodle money na ginamit sa operasyon.
Nasa kustodiya na ng SDEU ang dalawang suspek habang inihahanda ang mga reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Patuloy kaming magsisikap na ilayo ang ilegal na droga sa ating mga komunidad at palakasin ang tiwala ng publiko sa kapulisan,” ani Pastor.
Hinimok naman ng SPD ang publiko na ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga. JAMES I. CATAPUSAN