MANILA, Philippines — Mahigpit na mino-monitor ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang imbestigasyon sa insidenteng kinasangkutan ng Bulatlat reporter na si Aaron Ernest Cruz habang nagko-cover ng protesta sa Department of Agrarian Reform (DAR) noong Oktubre 19.
Ayon sa PTFOMS, mayroon itong zero-tolerance policy laban sa karahasan, harassment at intimidation sa mga mamamahayag na gumaganap ng kanilang tungkulin.
“Journalism is a cornerstone of our democracy, and the safety of those who gather and disseminate information is of paramount importance,” saad ng task force.
Sinabi ng PTFOMS na agad itong nakipag-ugnayan sa National Police Commission (NAPOLCOM), na nagpadala umano ng mga imbestigador upang alamin ang buong pangyayari at ang naging kilos ng mga tauhan ng Quezon City Police District. Kinumpirma rin sa hiwalay na ulat na nakikipag-ugnayan ang PTFOMS sa NAPOLCOM kaugnay ng insidente.
Nauna nang kumalat ang video kung saan makikitang pinipigilan ng mga pulis si Cruz habang paulit-ulit nitong sinasabing miyembro siya ng media at ipinapakita ang kanyang press ID. Nanawagan ang Bulatlat at iba pang media groups ng impartial investigation.
Kinumpirma rin ng PTFOMS na natanggap nito ang pormal na abiso mula sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at hinihintay ang anumang karagdagang impormasyon na maaaring makatulong sa imbestigasyon at posibleng pananagutan ng mga sangkot.
Samantala, sinabi ng QCPD na iniimbestigahan din nito ang insidente at tinitingnan ang mga ulat na umano’y nagkaroon ng pisikal na komprontasyon sa pagitan ni Cruz at ilang pulis. Wala pang pinal na finding kung sino ang may pananagutan sa insidente.
Tiniyak ng PTFOMS na patuloy nitong babantayan ang kaso upang mapangalagaan ang press freedom at matiyak na ang anumang paglabag sa karapatan ng media workers ay matutugunan alinsunod sa batas. Jocelyn Tabangcura Domenden