MANILA, Philippines — Muling ilulunsad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System (ORAS) sa Oktubre 24 bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong Undas.
Sa pamamagitan ng ORAS, maaaring tingnan ng mga pasahero ang iskedyul ng barko, pumili ng oras ng biyahe at magsumite ng kinakailangang impormasyon bago magtungo sa pantalan upang mabawasan ang mahabang pila sa pagbili ng tiket.
Saklaw ng sistema ang mga pantalan ng Lucena, Balanacan, Calapan at Batangas. Nauna nang ginamit ng PPA ang ORAS noong Semana Santa ngayong taon bilang bahagi ng programa nitong bawasan ang congestion sa mga pantalan.
Sa bagong implementasyon, magiging balido ang ORAS Pass dalawang oras bago ang nakatakdang biyahe, mula sa dating tatlong oras.
Inaasahan ng PPA na aabot sa humigit-kumulang 1.93 milyong pasahero ang daraan sa mga pantalan mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, mas mataas ng 1.55 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Hinikayat ng ahensya ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at makipag-ugnayan sa kanilang shipping line para sa pinakabagong iskedyul ng mga barko.
Layunin ng ORAS na mas maging organisado ang pagdating ng mga pasahero at mabawasan ang pagsisiksikan sa mga pantalan tuwing peak travel season. Jocelyn Tabangcura-Domenden