Home HOME BANNER STORY Doble-doble at sobrang ayuda sa AICS, sinita ng COA

Doble-doble at sobrang ayuda sa AICS, sinita ng COA

3
0

MANILA, Philippines — Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa umano’y dobleng benepisyo at sobrang ayuda na naipamahagi sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program noong 2025.

Batay sa audit findings, nasa 5,000 beneficiaries ang umano’y nakatanggap nang doble sa itinakdang halaga, habang humigit-kumulang 400,000 ang na-flag dahil sa natanggap na benepisyong lampas sa nakasaad sa records. Tinatayang P397.5 milyon ang halagang kinuwestiyon ng COA.

May 6,000 beneficiaries din umanong nakatanggap ng AICS kahit nabigyan na ng ayuda sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), habang mahigit 1,000 katao ang nakatanggap umano ng cash assistance nang maraming beses na umabot sa P9 milyon ang na-flag na claims.

Gayunman, iginiit ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na walang pondong nasayang o “ghost beneficiaries” na tinukoy ang COA, at wala rin umanong notice of suspension laban sa DSWD.

“COA never pointed any ghost beneficiaries. COA never pointed any deficiency na ninakaw ng empleyado,” ani Gatchalian.

Paliwanag niya, maaaring makatanggap ang isang beneficiary ng hanggang P10,000 sa loob ng tatlong buwan depende sa pangangailangan. Halimbawa, maaari umanong makatanggap ng medical assistance at kalaunan ay burial assistance kung pumanaw ang benepisyaryo, dahil pinapayagan ito sa guidelines.

Inamin naman ni Gatchalian na may mga pagkakataong hindi lubusang nasuri ang mga dokumentong isinumite ng aplikante. Nakakita rin ang COA ng ilang falsified medical certificates at iba pang dokumento.

Sinita rin ng COA ang P14.41 milyong AICS assistance na naibigay sa humigit-kumulang 20,000 pamilyang naka-graduate na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Depensa ng DSWD, hindi nangangahulugang nakaahon na sa kahirapan ang isang pamilya dahil lamang nagtapos na ito sa 4Ps.

Itinanggi rin ni Gatchalian na may halong politika ang pamamahagi ng AICS noong 2025 midterm elections at iginiit na dumaraan sa pagsusuri ng licensed social workers ang pagbibigay ng ayuda. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here