Home NATIONWIDE NBI, magpapaagapay sa Laos sa P3.5-B drug smuggling probe

NBI, magpapaagapay sa Laos sa P3.5-B drug smuggling probe

3
0

MANILA, Philippines — Humingi na ng kooperasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga awtoridad ng Laos kaugnay ng imbestigasyon sa tangkang pagpupuslit ng P3.5 bilyong halaga ng ilegal na droga patungong Pilipinas.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nagpadala na ang bureau ng liham sa Laotian authorities sa tulong ng Department of Foreign Affairs upang magkaroon ng direktang koordinasyon sa imbestigasyon.

Posible ring magpadala ang NBI ng mga tauhan sa Laos upang magsagawa ng imbestigasyon at makapanayam ang mga suspek na nasa kustodiya ng mga awtoridad doon.

Kabilang sa mga naunang tinukoy na person of interest si dating Bangsamoro Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang. Nilinaw ng mga awtoridad na ang pagiging person of interest ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang kanyang pagkakasangkot sa krimen.

Nagsasagawa ang NBI ng hiwalay ngunit koordinadong imbestigasyon kasabay ng Philippine National Police.

Sinabi rin ni Matibag na nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan ang Aerosky Services Corporation, ang aviation services company na may kaugnayan sa private aircraft kung saan natagpuan ang hinihinalang droga.

Nauna nang kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines na US-registered ang naturang aircraft at nagsumite ang Aerosky ng flight permit request noong Setyembre 24 bilang representative ng CGT Asia.

Hindi pa naman sinabi ng NBI kung maglalabas ito ng subpoena laban sa mga naunang pinangalanang person of interest dahil prayoridad muna nitong makipag-ugnayan sa Laos at makuha ang impormasyon mula sa mga awtoridad doon. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here