Home NATIONWIDE DA: Pinsala ng Super El Nino sa agrikultura papatak ng P20-B

DA: Pinsala ng Super El Nino sa agrikultura papatak ng P20-B

2
0

MANILA, Philippines — Posibleng umabot sa P20 bilyon ang pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura at makaapekto sa humigit-kumulang 350,000 ektarya ng sakahan, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa budget hearing ng Senado nitong Miyerkules, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na naghahanda ang ahensya sa posibleng mas matinding epekto ng El Niño, partikular sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa worst-case scenario ng DA, milyun-milyong farmers at fisherfolk ang maaaring maapektuhan habang nagpapatuloy ang mataas na temperatura at kakulangan sa ulan.

Inihambing ni Tiu Laurel ang sitwasyon sa El Niño noong 2023 hanggang 2024 na nagdulot umano ng humigit-kumulang P16 bilyong pinsala sa agrikultura.

“With values up now and the coming Super El Niño, losses will be much higher,” ani Tiu Laurel.

Tinatayang maaari ring bumaba nang 700,000 hanggang isang milyong metriko tonelada ang produksyon ng bigas dahil sa El Niño.

Ayon sa DA chief, kakailanganin ng bansa ng karagdagang suplay ng bigas upang matiyak ang sapat na supply at buffer stock habang nagpapatuloy ang dry spell.

Sa pinakahuling datos ng DA nitong Miyerkules, umabot na sa P8.57 bilyon ang naitalang agricultural damage at losses dahil sa El Niño, kung saan malaking bahagi ay mula sa mais at palay.

Bilang paghahanda, sinabi ni Tiu Laurel na pinabibilis ng DA ang pagpapatupad ng solar-powered irrigation projects at humihingi ng karagdagang pondo para sa solar pumps, water impounding facilities at iba pang imprastraktura para mapanatili ang suplay ng tubig.

Kabilang din sa mga hakbang ang pamamahagi ng binhi at iba pang production support at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya para sa cash assistance at emergency employment ng mga maaapektuhang magsasaka at mangingisda.

Nauna nang naghain ang DA ng P61.99-bilyong El Niño action plan para maprotektahan ang food production at kabuhayan sa kanayunan.

Samantala, nanawagan si Sen. Francis Pangilinan sa pamahalaan na ikonsidera ang pagdedeklara ng state of national calamity upang mas mabilis na mapakilos ang emergency resources at iba pang tulong para sa mga apektadong sektor.

Sa kabila ng banta ng El Niño, tiniyak naman ni Tiu Laurel na sapat pa sa ngayon ang suplay ng pangunahing pagkain sa bansa.

Ayon sa kanya, may humigit-kumulang 80 araw na suplay ng bigas, 170 araw na suplay ng baboy at 135 araw na suplay ng manok.

Sapat din umano ang suplay ng pulang sibuyas hanggang Marso 2027.

Sinabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na magsasagawa ang Senado ng pagdinig upang masuri ang kabuuang paghahanda at tugon ng pamahalaan sa El Niño. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here