MANILA, Philippines — Iginiit ng Malacañang na hindi dapat mawala sa atensyon ng publiko ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y pagtanggap ng foreign funds ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng mainit na palitan ng pahayag sa pagitan ng ilang opisyal ng Pilipinas at Chinese Ambassador Jing Quan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, posibleng matabunan ng kontrobersiya sa Chinese envoy ang usaping kailangan pa umanong imbestigahan hinggil sa pinagmulan ng ilang pondong inuugnay sa bise presidente.
“Ang nais lang natin muna ay sa mga ganitong maiinit na palitan ng mga salita, huwag din tayong maligaw. May issue pa tayong dapat na kaharapin. Kung totoo bang nagbibigay ng pondo ang ibang bansa sa Bise Presidente,” ani Castro.
Sinabi rin niyang mahalagang malaman ang katotohanan sa naturang alegasyon dahil maaari umano itong magkaroon ng implikasyon sa national security.
Nang tanungin kung ipinahihiwatig niyang ginagamit ang kontrobersiya kay Quan bilang smokescreen para ilihis ang atensyon mula sa isyu ni Duterte, sinabi ni Castro na publiko na ang dapat humusga rito.
Wala namang inilatag ang Palasyo na ebidensiyang nagpapatunay na sadyang ginagamit ang isyu sa Chinese envoy upang ilihis ang publiko.
Nauna nang lumitaw sa impeachment proceedings laban kay Duterte ang financial records na nagpapakitang nakatanggap ang Cale88 Foods Corporation, kumpanyang inuugnay sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, ng humigit-kumulang P319 milyon mula China at Hong Kong.
Gayunman, iginiit ng kampo ni Duterte na walang ebidensiyang nagpapatunay na ang naturang pondo ay nagmula mismo sa Chinese government.
Samantala, tiniyak ng Palasyo na hindi umaatras si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggiit ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Castro, patuloy na pinalalakas ng administrasyon ang kakayahan ng bansa upang maprotektahan ang teritoryo at maritime rights nito.
Lumakas ang batikos laban kay Quan matapos ang kanyang mga pahayag kaugnay ng tensyon sa West Philippine Sea, dahilan upang maghain ang ilang mambabatas ng mga resolusyong nananawagang ideklara siyang persona non grata.
Sinabi naman ni Castro na nauunawaan ng Palasyo ang reaksiyon ng mga opisyal na bumatikos sa Chinese envoy, kasunod ng nagpapatuloy na mainit na palitan ng pahayag sa pagitan ng embahada at ilang opisyal ng gobyerno. RNT