MANILA, Philippines – Nasa 94.7 porsiyento ng Salmonella bacteria na natagpuan sa mga manok na ibinebenta sa mga palengke at supermarket sa Metro Manila ay resistant sa hindi bababa sa isang uri ng antibiotic, habang mahigit tatlong-kapat ng mga ito ay multidrug-resistant, ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Sa pag-aaral na pinamagatang “Occurrence and antibacterial resistance of Salmonella spp. from retail eggs and commercial chicken meat within Metro Manila, the Philippines,” sinuri ng mga mananaliksik ang 76 Salmonella isolates mula sa karne ng broiler chicken.
Lumabas sa resulta na 76.3 porsiyento ng mga sample ay multidrug-resistant, o resistant sa tatlo o higit pang klase ng antibacterial agents.
Pinakamataas ang resistance sa ampicillin na may 77.6 porsiyento, sinundan ng streptomycin na may 73.7 porsiyento, nalidixic acid na may 68.4 porsiyento, at cefotaxime na may 67.1 porsiyento.
Ayon sa DOST-FNRI, mahalagang usaping pangkalusugan ang mga sakit na nakukuha sa pagkain. Ang Salmonella ay maaaring magdulot ng gastroenteritis at, sa ilang kaso, mas malubhang impeksiyon. Mas mahirap gamutin ang mga impeksiyong dulot ng bacteria na hindi na tinatablan ng ilang gamot.
Iniulat din ng ahensiya na tumaas nang 42 porsiyento ang mga kaso ng Salmonella infection sa Pilipinas noong 2023, na umabot sa 13,000.
Gayunman, binigyang-diin ng DOST-FNRI na mahalagang pinagkukunan ng protina ang manok at maaari pa ring maging bahagi ng balanseng pagkain basta’t maayos ang paghahanda at pagluluto nito.
Ayon sa ahensiya, napapatay ng tamang pagluluto ang Salmonella. Ngunit maaaring kumalat ang bacteria mula sa hilaw na manok patungo sa mga kamay, kagamitan, chopping board, kusina at iba pang pagkain sa pamamagitan ng cross-contamination.
Upang maiwasan ang impeksiyon, pinayuhan ang publiko na maghugas ng kamay bago, habang at pagkatapos humawak ng hilaw na manok; ihiwalay ito sa lutong pagkain; gumamit ng magkahiwalay na kagamitan kung maaari; at linisin ang mga ibabaw sa kusina pagkatapos maghanda ng pagkain.
Pinayuhan din ang publiko na lutuing mabuti ang manok, iwasang kumain ng kulang sa luto na poultry at agad na ilagay sa refrigerator ang mga pagkaing madaling masira. RNT/MDS