Home HOME BANNER STORY Mga pekeng dokumento sa pagiging Pilipino, iniimbestigahan ng NBI

Mga pekeng dokumento sa pagiging Pilipino, iniimbestigahan ng NBI

1
0

MANILA, Philippines – Inatasan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga regional office nito na imbestigahan ang mga hinihinalang ilegal na paraan ng pagkuha at paggamit ng mga dokumento ng pagkamamamayang Pilipino.

Ayon sa NBI, maaaring gamitin ang mga pekeng dokumento upang makabili ng lupa, makapagtayo ng korporasyon at makilahok sa mga gawaing para lamang sa mga Pilipino, kabilang ang pagtakbo o paghawak ng pampublikong posisyon.

Inatasan ang mga imbestigador na tukuyin ang mga indibidwal at grupong posibleng sangkot sa pamemeke ng birth certificate at iba pang dokumento, pagpapanggap na magulang, pagpapalit ng pagkakakilanlan at maling pagpapahayag ng impormasyon upang makakuha ng pagkamamamayang Pilipino.

Sisiyasatin din ang posibleng ugnayan ng mga civil registrar, notaryo, mga taong nagpapatotoo sa dokumento, fixer, tagapamagitan, opisyal ng gobyerno, korporasyon at iba pang indibidwal na maaaring tumulong sa mga ilegal na gawain.

Kabilang sa mga prayoridad na kaso ang may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) o Internet Gaming Licensees, transnational organized crime, ilegal na droga, human trafficking, money laundering, graft and corruption, pambansang seguridad, pagmamay-ari ng lupa, mga industriyang nakalaan sa mga Pilipino, at mga indibidwal na may hawak o naghahangad ng pampublikong posisyon.

Binigyang-diin ng NBI na hindi nakatuon ang imbestigasyon sa anumang lahi o pangkat etniko. Hindi rin awtomatikong magiging batayan ng pagsisiyasat ang huling pagpaparehistro ng kapanganakan o pagkakaroon ng dayuhang pinagmulan, maliban kung may indikasyon ng pandaraya o pamemeke.

Inatasan din ang mga imbestigador na tukuyin ang mga ari-arian, lupa, sasakyan at interes sa mga korporasyong konektado sa mga kumpirmadong iniimbestigahan, alinsunod sa mga batas sa privacy, bank secrecy at mga kinakailangang pahintulot ng hukuman.

Binigyan ang mga regional director ng 90 araw upang magsumite ng paunang ulat tungkol sa mga kumpirmadong suspek, hinihinalang network at iba pang resulta ng imbestigasyon.

Kailangang agad namang iulat ang mga kasong may agarang banta sa pambansang seguridad, aktibong transnational criminal threat, panganib na mailipat o maitago ang mga ari-arian, at nagpapatuloy na korupsiyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here