Home NATIONWIDE Pagmamanman sa maliliit na scam hub, pinaigting ng PNP

Pagmamanman sa maliliit na scam hub, pinaigting ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Binago ng Philippine National Police (PNP) ang estratehiya nito sa intelligence at surveillance upang matukoy at mabuwag ang maliliit na scam hub matapos maiulat na lumilipat ang mga ilegal na offshore gaming operator sa mga inuupahang bahay sa Metro Manila.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, ginagawa ito ng mga operator upang makaiwas sa awtoridad.

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. na makikipagtulungan sila sa iba pang law enforcement agencies upang pigilan ang pagbabalik ng mga ilegal na operasyon sa kabila ng nationwide ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“We are recalibrating our police strategy from broad-scale raids to surgical, intelligence-driven operations utilizing cyber-surveillance, high-bandwidth usage tracking, and community-level monitoring,” ani Nartatez.

Nauna nang ibinunyag ni Remulla na sinusubaybayan ng mga awtoridad ang tatlong aktibong maliliit na scam hub sa Metro Manila. Kadalasan umano, gumagamit ang mga ito ng inuupahang bahay na may 10 hanggang 20 katao, sa halip na malalaking compound na dating kinaroroonan ng libo-libong manggagawa.

“While the total ban on POGOs neutralized massive compounds, these micro hubs represent desperate attempts to evade detection—attempts that our intelligence networks will aggressively hunt down and neutralize,” ayon kay Nartatez.

Lumabas ang ulat tungkol sa maliliit na operasyon matapos ang raid noong Oktubre 2 sa isang hinihinalang scam hub sa Zamboanga Sibugay, kung saan 244 na dayuhan, karamihan ay Chinese, ang inaresto at nasagip.

Binigyang-diin din ni Nartatez na papanagutin ang sinumang tauhan ng PNP na mapatunayang sangkot o nagbibigay-proteksiyon sa mga ilegal na scam operation. Ito ay matapos maiulat na ginagamit umano bilang mga tauhan o tagapagtanggol ng maliliit na scam hub ang mga dating pulis at tauhan ng militar na sinibak sa serbisyo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here