MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na wala na sa panukalang 2027 national budget ang mga probisyong idineklarang unconstitutional ng Supreme Court sa mga nakaraang pambansang badyet.
Sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, sinabi ni DBM Secretary Kim De Leon na inalis na sa 2027 proposed budget ang Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs o SAGIP sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations (UA).
Aniya, isinama rin sa paghahanda ng panukalang badyet ang mga itinakdang limitasyon ng Korte Suprema upang maging constitutional ang paggamit ng UA, kabilang ang pagbabawal sa lump-sum appropriations.
Nauna nang idineklara ng SC na unconstitutional ang ilang pagtaas at probisyon sa 2024 at 2025 national budgets, gayundin ang ilang probisyon sa 2026 budget kaugnay ng unprogrammed appropriations.
Sa panukalang P7.2-trilyong 2027 national budget, nasa P111.984 bilyon ang proposed UA—katumbas ng humigit-kumulang 1.6 porsiyento ng kabuuang expenditure program.
Ayon sa DBM, ito ang pinakamababang proposed UA sa nominal terms mula noong 2019.
Sa pagdinig, tinanong ni Senate President Win Gatchalian kung nangangahulugan ang SC ruling na hindi maaaring lampasan ng Kongreso ang budget proposal ng Pangulo sa programmed at unprogrammed appropriations.
“That is how we view the decision,” tugon ni De Leon.
Sinabi rin ng DBM na hindi nito ire-release ang pondong saklaw ng ilang probisyon ng 2026 budget kapag hindi natugunan ang itinakdang revenue conditions, maliban sa ilang foreign-assisted projects.
Samantala, sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na sa mga nagastos na pondo sa ilalim ng 2024 at 2025 budgets, maaaring umiral ang doctrine of operative fact para sa mga proyektong naipatupad nang may good faith at hindi na maaaring ibalik sa dating kalagayan.
Patuloy ngayong sinusuri ng Senado ang panukalang 2027 national budget kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na naglatag ng mas mahigpit na limitasyon sa paggamit at pagdaragdag ng unprogrammed appropriations. Dave Medina