MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ni dating Bangsamoro Parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang ang alegasyong sangkot siya sa tangkang pagpupuslit ng P3.5 bilyong halaga ng ilegal na droga mula Laos patungong Pilipinas.
Ito ay matapos siyang tukuyin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang umano’y mastermind sa operasyon.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Rimbang na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
“Hindi po totoo ’yon,” ani Rimbang kaugnay ng alegasyong sangkot siya sa operasyon mula Laos.
Iginiit niyang wala siyang kinausap na sinumang opisyal o indibidwal sa Pilipinas upang magpunta sa Laos o magdala ng anumang ilegal na bagay sa bansa.
Sinabi rin ni Rimbang na labis na naapektuhan ang kanyang pamilya sa mga kumakalat na alegasyon, partikular ang kanyang mga anak na umano’y huminto sa pag-aaral dahil sa kontrobersiya.
Nauna rito, sinabi ni PDEA chief Isagani Nerez sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na hindi lamang umano financier si Rimbang kundi siya rin ang nagplano ng tangkang pagpasok ng droga sa Pilipinas.
Ayon sa PDEA, pinaghihinalaan din nilang may koneksyon si Rimbang sa isang international drug syndicate dahil sa pinagmulan ng shipment.
Noong Oktubre 1, nasabat ng mga awtoridad sa Laos ang tinatayang 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon mula sa 23 maleta na idineklarang naglalaman ng vape products at isasakay sana sa isang chartered aircraft patungong Manila.
Nauna ring hinikayat ng Criminal Investigation and Detection Group ang mga personalidad na inuugnay sa kaso na humarap at magbigay ng kanilang panig habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Patuloy pa ang case buildup at imbestigasyon ng mga awtoridad. Wala pang korte na nagdedeklara kay Rimbang na responsable sa nasabing drug shipment. Dave Baluyot