Nakatakdang magpatupad ng partial lockdown at pansamantalang pagsususpinde ng mga aktibidad sa ilang pampubliko at piling lugar sa Pasay City mula Oktubre 24 hanggang Nobyembre 20 bilang paghahanda sa nalalapit na ASEAN Summit na gaganapin sa Pilipinas.
Batay sa public advisory ng Pasay City Public Information Office (PIO), ang hakbang ay alinsunod sa memorandum na inilabas ng ASEAN Summit National Organizing Council noong Oktubre 19.
Kabilang sa mga pansamantalang hindi papayagan sa lugnsod ang mga fun run, pampublikong aktibidad, events at iba pang katulad na pagtitipon sa paligid ng Philippine International Convention Center (PICC), Roxas Boulevard at iba pang mga lugar na maaapektuhan ng mga paghahanda at aktibidad para sa summit.
Layunin ng naturang hakbang na matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, maipatupad ang mga kinakailangang traffic rerouting arrangement, at mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng publiko habang isinasagawa ang nasabing pandaigdigang pagtitipon. (James I. Catapusan)