Home HOME BANNER STORY Hog raisers nag-rally sa DA; agarang aksyon vs pork imports iginiit

Hog raisers nag-rally sa DA; agarang aksyon vs pork imports iginiit

3
0
(c) Danny Querubin

MANILA, Philippines – Dinala ng mga lokal na hog raiser sa lansangan nitong Biyernes, Oktubre 23, ang kanilang protesta laban sa umano’y labis na pagpasok ng imported pork na sinisisi nila sa pagbagsak ng farmgate prices at malaking pagkalugi ng industriya.

Nagsagawa ng mapayapang rally ang mga pork producer sa harap ng Department of Agriculture (DA) Central Office sa Quezon City upang igiit ang agarang hakbang ng pamahalaan para protektahan ang lokal na industriya ng pagbababoy.

(c) Danny Querubin

Kasabay ito ng ikalawang araw ng tatlong-araw na “Pig Holiday” mula Oktubre 22 hanggang 24, kung saan boluntaryong itinigil ng mga kalahok na hog raiser ang paglalabas at pagbebenta ng baboy sa merkado.

Naunang sinabi ng mga grupo na umaabot sa tinatayang P250 milyon kada araw ang lugi ng industriya. Sa pinakahuling pahayag naman ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, chairman ng Pork Producers Federation of the Philippines, umaabot na umano sa P350 milyon kada araw ang kanilang pagkalugi.

Ayon sa mga hog raiser, bumagsak sa P130 hanggang P140 kada kilo ang farmgate price ng baboy sa ilang lugar, samantalang nasa P180 hanggang P190 kada kilo ang tinatayang production cost.

Iginiit ng grupo na kabilang sa mga dahilan ng problema ang mataas na volume ng imported pork na umano’y nagdulot ng oversupply at nagpababa sa presyo ng lokal na baboy.

Kabilang sa kanilang mga panawagan ang agarang pagbabalik ng taripa sa imported pork sa 30% para sa in-quota shipments at 40% para sa out-quota imports.

Nais din nilang pansamantalang ihinto ang pag-isyu ng import clearances, higpitan ang inspeksyon sa imported meat at paigtingin ang kampanya laban sa agricultural smuggling, misdeclaration at undervaluation.

Sa kasalukuyan, nasa 15% ang tariff rate para sa in-quota pork imports at 25% para sa out-quota imports.

Samantala, nagsimula na ang DA ng preliminary safeguard investigation upang alamin kung ang pagtaas ng pork imports sa nakalipas na tatlo hanggang limang taon ay nagdudulot ng serious injury o banta sa domestic hog industry.

Pinag-aaralan din ng DA ang pansamantalang paghinto sa loob ng 60 araw sa pag-isyu ng sanitary and phytosanitary import clearances para sa ilang imported pork cuts gaya ng liempo, kasim at pigue.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaaring legal na maipatupad ang naturang hakbang pagsapit ng kalagitnaan ng Nobyembre.

Sinabi rin ng DA na may tinatayang 170 araw na pork supply ang bansa, dahilan upang hindi nito inaasahang magkakaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng baboy bago ang Pasko.

Giit naman ng mga lokal na producer, kailangan ang mas agarang interbensyon upang mapigilan ang patuloy na pagkalugi at maiwasang mapilitang tumigil sa pag-aalaga ng baboy ang mas maraming lokal na hog raiser. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here