BEIJING, China – Umabot na sa 16 ang nasawi habang 54 ang sugatan matapos yanigin ng magnitude 7 na lindol ang Tibet region sa China nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Chinese authorities, hindi bababa sa 339 bahay at 20 kulungan ng mga hayop ang gumuho o napinsala dahil sa malakas na pagyanig.
Naitala ang lindol alas-10:33 ng gabi noong Oktubre 22 sa Baqen County, Nagqu City.
Ayon sa United States Geological Survey (USGS), nasa 191 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Nagqu ang epicenter at may lalim na 18 kilometro.
Nakapagtala rin ang USGS ng hindi bababa sa pitong aftershock na may lakas na magnitude 4.3 hanggang 5.2.
Mahigit 1,600 personnel ang ipinadala para sa search and rescue operations habang naghatid na rin ng libu-libong tent, folding beds, winter clothing at iba pang emergency supplies sa mga residenteng nawalan ng tirahan.
Naputol naman ang komunikasyon sa ilang lugar habang pansamantalang itinigil ang pagdaan ng mga tren sa apektadong rehiyon.
Nagdulot din ng rockfall ang lindol kaya isinara ang bahagi ng National Highway 317 para bigyang-daan ang rescue at emergency vehicles.
Inaasahan ding magkaroon ng panaka-nakang pag-ulan ng niyebe sa susunod na tatlong araw na maaaring makapagpahirap sa rescue operations.
Iniutos ni Chinese President Xi Jinping ang puspusang search and rescue at medical assistance para sa mga biktima.
Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala at casualty count.