Home HOME BANNER STORY Diesel namumurong sumirit sa P2.70/L; gasolina bababa ng P1.30/L

Diesel namumurong sumirit sa P2.70/L; gasolina bababa ng P1.30/L

4
0

MANILA, Philippines – Panibagong mixed oil price adjustment ang posibleng maranasan ng mga motorista sa huling linggo ng Oktubre, kung saan inaasahang tataas ang presyo ng diesel at kerosene habang bababa naman ang gasolina.

Batay sa unang tatlong trading days sa Mean of Platts Singapore, posibleng tumaas ng P2.70 kada litro ang diesel at P1.20 kada litro ang kerosene.

Samantala, maaaring magkaroon ng P1.30 kada litrong rollback sa gasolina.

Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, patuloy na nagtutulak pataas sa presyo ng langis ang uncertainty sa global supply bunsod ng panibagong tensyon sa Middle East.

Kabilang dito ang mga napaulat na pag-atake sa ilang barko sa Strait of Hormuz at mga pasilidad sa Saudi Arabia.

Mahalaga ang Strait of Hormuz sa pandaigdigang supply ng langis kaya anumang banta sa pagdaan ng mga tanker dito ay maaaring magdulot ng pangamba sa merkado at pagtaas ng presyo.

Kung matutuloy, magiging ikalawang sunod na linggo na tataas ang presyo ng diesel habang magkakaroon naman muli ng rollback sa gasolina.

Noong Oktubre 20, nagtaas ng P2.60 kada litro sa diesel habang nagbawas ng P4.30 kada litro sa gasolina at P1 sa kerosene.

Gayunman, maaari pang magbago ang projected adjustments depende sa natitirang trading days, galaw ng international petroleum prices at palitan ng piso kontra dolyar.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang final price adjustments bago ito ipatupad tuwing Martes. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here