Home HOME BANNER STORY Pulong nagsampa ng cyber libel, libel vs GMA execs, journalists, NBI chief

Pulong nagsampa ng cyber libel, libel vs GMA execs, journalists, NBI chief

3
0

DAVAO CITY – Nagsampa si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ng mga reklamong libel at cyberlibel laban sa ilang executives at journalists ng GMA Network, National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. at iba pang indibidwal nitong Biyernes, Oktubre 23.

Personal na nagtungo si Duterte sa Davao City Hall of Justice para ihain ang mga reklamo sa Office of the City Prosecutor.

Matapos ang filing, humarap din ang kongresista sa media at sumagot sa mga tanong kaugnay ng kanyang isinampang reklamo.

Ang legal action ay kasunod ng mga pahayag at ulat kaugnay ng alegasyon ni Gracioso na naghatid umano siya ng pera sa ilang miyembro ng pamilya Duterte sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Kabilang sa alegasyon ni Gracioso ang umano’y paghahatid ng P100 milyon kay Paolo Duterte.

Mariing itinanggi ng mga Duterte ang mga alegasyon, habang sinabi ng NBI na patuloy nitong bineberipika ang affidavit ni Gracioso at iba pang impormasyong isinumite sa imbestigasyon.

Nauna nang hinamon ni Duterte si Matibag na maglabas ng ebidensya sa mga alegasyon ng NBI.

Nauna ring hinamon ni Matibag ang kampo ng mga Duterte na dumaan sa legal na proseso kung naniniwala silang nagsisinungaling si Gracioso o may kinikilingan ang NBI.

Sinabi rin noon ni Matibag na maaaring magsampa ng kaso laban kay Gracioso kung may basehang sabihing nagsisinungaling ito.

Ang mga alegasyon ni Gracioso ay nananatiling bahagi ng imbestigasyon at hindi pa napapatunayan sa korte.

Samantala, wala pang inilalabas na tugon ang GMA Network, Matibag, Gracioso at iba pang respondents sa reklamo ni Duterte sa oras ng ulat.

Ang paghahain ng complaint-affidavit sa prosecutor’s office ay hindi pa katumbas ng pagsasampa ng criminal case sa korte. Dadaan muna ito sa preliminary investigation upang matukoy kung may probable cause laban sa mga respondent. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here