Home HOME BANNER STORY SC nagtakda ng mahigpit na limitasyon sa paggamit ng unprogrammed funds

SC nagtakda ng mahigpit na limitasyon sa paggamit ng unprogrammed funds

3
0

MANILA, Philippines – Kinilala ng Supreme Court (SC) na naaayon sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations o standby funds ng gobyerno, ngunit nagtakda ito ng mahigpit na limitasyon sa paggamit ng naturang pondo.

Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng SC na maaaring gamitin ang pondo para sa mga hindi inaasahang pangangailangan ng gobyerno, basta’t sumusunod sa Konstitusyon. Maaari lamang itong ilabas kung may karagdagang kita ang gobyerno o aprubadong pautang para sa mga proyekto.

Gayunman, idineklara ng SC na labag sa Konstitusyon ang ₱449.5 bilyong idinagdag ng Kongreso sa unprogrammed funds sa 2024 national budget. Dahil dito, lumobo sa ₱731.4 bilyon ang pondo mula sa orihinal na panukalang ₱281.9 bilyon ng Pangulo.

Ipinawalang-bisa rin ng SC ang ₱17.992 bilyong dagdag sa Special Road Fund sa 2025 budget at dalawang probisyon sa 2026 budget na may kaugnayan sa pagpapalabas ng unprogrammed funds.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi maaaring dagdagan ng Kongreso ang kabuuang badyet na iminungkahi ng Pangulo nang lampas sa pinapayagan ng Konstitusyon. Dapat ding sundin ang limitasyong ito ng bicameral conference committee ng Senado at Kamara.

Nilinaw naman ng SC na hindi awtomatikong kailangang ibalik ang mga pondong nagastos na, lalo na kung ginamit ang mga ito nang may mabuting hangarin sa mga programang naipatupad na.

Binigyang-diin ng hukuman na hindi dapat gamitin ang unprogrammed funds upang makalusot sa mga limitasyon sa paggastos ng gobyerno.

Hindi pa pinal ang desisyon ng SC. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here