MANILA, Philippines – Sa paparating na Undas, naglabas ng mga panuntunan ang ilang sementeryo at kolumbaryo sa Metro Manila.
Nagtakda ang Quezon City ng mga patakaran para sa paggunita ng Undas sa Bagbag Public Cemetery at Novaliches Public Cemetery.
Bukas ang dalawang sementeryo mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, habang magpapatuloy ang mga serbisyo sa paglilibing sa Nobyembre 3.
Oktubre 30 ang huling araw para sa paglilinis, pagpipintura at pagkukumpuni ng mga puntod. Ipinagbabawal naman ang pribadong paradahan sa loob ng dalawang sementeryo mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Sa Baesa Crematorium and Columbarium, alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi rin ang oras ng pagbisita sa nasabing mga petsa. Magpapatuloy ang cremation services maliban sa Nobyembre 1, kung kailan walang isasagawang cremation.
Ipinagbabawal sa mga sementeryo at columbarium ang pagsusugal, pag-inom ng alak, paninigarilyo at vaping, pagdadala ng madaling magliyab na materyales, baril o nakamamatay na armas, paggamit ng videoke at malalakas na sound system, at pagdadala ng ilegal na droga.
Para sa mga katanungan tungkol sa Bagbag at Novaliches Public Cemetery, maaaring tawagan si Jan Reese Biglang-Awa sa 0956-619-7875 o (02) 7002-1424. Para naman sa Baesa Crematorium and Columbarium, maaaring makipag-ugnayan kay Paolo Hipolito sa 0998-254-6929 o 0995-437-5119.
Samantala, pinalawak ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang serbisyo nito para sa mga naulilang pamilya sa pagbubukas ng bagong Caloocan City Columbarium and Crematorium sa Sunflower Street, Barangays 178 at 187, Tala, noong Huwebes, Oktubre 22.
Pinangunahan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pagpapasinaya sa pasilidad na naglalayong magbigay ng abot-kaya at marangal na serbisyo sa mga pamilyang namatayan at makatulong na mabawasan ang kanilang gastusin.
Kabilang sa mga serbisyo ng pasilidad ang cremation, pagpapaupa ng vault, pag-iimbak ng urn, apat na funeral hall, lawn crypt, chapel, at indoor at outdoor cinerarium. Isa ito sa mga prayoridad na proyektong pang-imprastraktura ni Malapitan.
Samantala, pinalawig din ng Pasay City government ang oras ng pagbisita sa Pasay City Public Cemetery and Crematorium (PCPCC) hanggang hatinggabi mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 upang mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga pamilyang bibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sa ilalim ng “Oplan Kaluluwa 2026,” bukas ang sementeryo mula alas-6 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon simula Oktubre 21 para sa paglilinis at pagkukumpuni ng mga puntod. Pinalawig naman ang oras hanggang alas-8 ng gabi sa Oktubre 29 at 30 bago umabot sa hatinggabi sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Inatasan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga tanggapan ng lungsod at mga ahensiya ng law enforcement na paigtingin ang paghahanda para sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita. Upang maiwasan ang pagsisikip, hinihikayat ang mga residente ng District 1 na bumisita sa umaga at ang District 2 naman sa hapon.
Ipinagbabawal ang pagpasok ng mga sasakyan sa sementeryo mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2. Bawal din ang alak, baril, patalim, madaling magliyab na materyales, paninigarilyo, vaping, pagsusugal at malalakas na tugtugin. Pinayuhan din ang mga magulang na huwag pabayaang mag-isa ang kanilang mga anak.
Maglalagay ng mga assistance tent sa Don Carlos Revilla Street para sa pulisya, mga opisyal ng barangay at emergency responders, kasama ang mga help desk ng Philippine Red Cross, mga tauhan ng bumbero at mga volunteer group. Hindi papayagang magtayo ng tent sa loob o paligid ng sementeryo ang mga organisasyong walang pahintulot.
Suspendido ang mga serbisyo sa paglilibing at cremation sa Pasay mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, ngunit mananatiling bukas ang mga tanggapang administratibo.
Pinayuhan ang mga bibisita na magdala ng tubig, magsuot ng komportableng damit, ingatan ang mga mahahalagang gamit at dalhin ang kinakailangang maintenance medicines. Hinikayat din silang sundin ang “Clean As You Go” policy sa pamamagitan ng pagdadala ng supot ng basura at pagtatapon nito sa tamang lugar.
Ayon kay Rubiano, layunin ng magkakaugnay na paghahanda na matiyak ang ligtas, maayos at matahimik na paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay. RNT/MDS