Manila, Philippines – Hindi ikinatutuwa, bagkus ay pumalag pa si Rica Peralejo sa nais mangyari ng BIR para sa mga content creator.
Gustong kasing ipatupad ng ahensya ang paglalagay ng mga content creator at iba pang digital earners ng registration seal sa kanilang mga online platform.
Sa kanyang Threads post, ibinahagi ni Rica na mula nang mag-artista siya sa edad na trese anyos ay nagbabayad na siya ng taxes.
Hirit ni Rica: bakit daw kailangan pang sumunod sa “paandar” na ito ng BIR by posting a registration seal badge?
Para kay Rica, sobra na ito lalo’t kailangan pang magpakita ng patunay being a consistent taxpayer herself mula’t sapul.
Okey na daw sana ang gustong ipatupad ng ahensya kung hindi ninanakawan ng mga korap na tao sa gobyerno ang mga Pilipino.
“Okey if only hindi tayo ninanakawan. ‘Yung mga magnanakaw, walang need patunayan pero ako na nagbabayad ng buwis since I was 13 to now 45, bakit?
“Tapos, nag-set pa sila ng deadline para ipaskil sa platform ko…ang sakit maging Pilipino!”
Nakakainsulto din daw ang gustong mangyari ng BIR: “Nakakainsulto ‘yung pakiramdam. In the thick of nanakawan tayo..tapos ganito!”
Saklaw ng gustong ipatupad ng ahensya ang mga online seller, freelancer, professional, vlogger, influencer at iba pang kumikita via digital platform. Ronnie Carrasco III