Home HOME BANNER STORY China hinamon ni Teodoro: Ilantad mga politikong kakampi

China hinamon ni Teodoro: Ilantad mga politikong kakampi

3
0

MANILA, Philippines – Hinamon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang China na pangalanan ang mga politikong Pilipino na umano’y may ugnayan sa Beijing upang malaman ng publiko kung totoo ang mga paratang.

“Eh di i-disclose nila, i-disclose nila. Tapos malalaman natin kung totoo o hindi or talagang nagde-destab na sila dito,” pahayag ni Teodoro sa virtual interview nitong Biyernes.

Ayon sa kalihim, ang mga post ng Chinese Embassy sa Manila sa social media na tumutukoy sa mga politikong Pilipino ay maaaring maituturing na pakikialam sa panloob na usapin ng Pilipinas.

“When they cross the line—na ‘yung embassy Facebook page nila—they are already intervening in internal matters or worse, they are already participating in the political system of the Philippines, hindi covertly but overtly,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Teodoro ang kredibilidad ng mga paratang. Aniya, kung layunin ng Beijing na ilantad ang mga politikong umano’y kumikilos laban sa interes nito, bakit nito isasama ang mga politikong sumusuporta sa China?

“Isi-smear nila ang politicians, lalo nang mag-iimbento sila ng gawain. Alangan naman i-disclose nila ‘yung mga kampi sa kanila kung ganyan lang ang usapan, hindi ba? Kaya kalokohan ‘yun,” dagdag niya.

Hinimok din niya ang mga Pilipino na maging mapanuri sa mga patuloy na tumatanggap o nagbibigay-daan sa mga opisyal ng China sa kabila ng kanilang mga pahayag laban sa Pilipinas.

Hindi rin sinang-ayunan ni Teodoro ang pagpuri ni Sen. Robinhood Padilla kay Chinese Ambassador Jing Quan, sa gitna ng panawagang ideklarang persona non grata ang envoy.

“Walang Pilipino dapat ang pumuri diyan sa tao na ’yan. Kaya bagama’t ganoon ang sinabi ng ating senador, ako ay tutol sa pagpuri diyan sa tao na ’yan,” ani Teodoro.

Binatikos din niya ang umano’y asal ng ambassador sa pakikipagtalo sa mga opisyal ng Pilipinas sa publiko, na aniya’y maaaring makaapekto sa mas malawak na ugnayan ng dalawang bansa.

“Matalino ba ang tao na ‘yan o edukado ba ‘yan? Biro mo, idadamay mo ‘yung buong interest ng bansa mo dahil nakikipagbardagulan ka,” dagdag niya.

Hiniling din ng kalihim kay Jing na linawin ang pahayag nitong hinahamon ang Pilipinas na isara ang Chinese Embassy sa Manila.

“Kung naghahamon siya na ipasara ‘yung Chinese Embassy, wala rin siyang regard sa kanyang sariling bansa,” ani Teodoro.

Dagdag niya, kung madadamay ang embahada dahil sa mga pampublikong palitan ng pahayag ng ambassador, hindi lamang ito kawalan ng asal kundi pagkukulang din sa responsibilidad nito sa sariling pamahalaan.

Kinuwestiyon din ni Teodoro ang layunin ng mga aktibidad ng embahada sa Pilipinas at sinabing kung ang pangunahing ginagawa nito ay guluhin ang bansa, dapat itong suriin.

“Baka naman kasi ‘yung embahada nila iisa lang ang ginagawa. Kung ‘yun naman ay katotohanan, eh di ipasara na lang nila, di ba?” aniya.

Hinimok niya si Jing na linawin ang kanyang pahayag dahil may epekto ito sa mamamayang Tsino at sa pangkalahatang ugnayan ng Pilipinas at China. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here