Home HOME BANNER STORY 391 modular school buildings, tapos na; 150 kasalukuyang ginagawa – DepEd

391 modular school buildings, tapos na; 150 kasalukuyang ginagawa – DepEd

3
0

MANILA, Philippines – Nakumpleto na ng Department of Education (DepEd) ang 391 modular school buildings na idinisenyong makayanan ang super typhoons at malalakas na lindol. May 150 pang gusali ang kasalukuyang ginagawa.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, napaiikli ng mga prefabricated classroom ang konstruksyon mula sa ilang taon tungo sa apat hanggang walong linggo.

“Our children shouldn’t have to wait years for a classroom. With these, we can build safe, good classrooms in weeks. This is our answer to President Bongbong Marcos’ call for fast, solid action,” ani Angara.

Tinawag na “Learning Continuity Space” (LCS), ang bawat modular building ay maaaring magkaroon ng dalawa hanggang limang silid-aralan, depende sa pangangailangan ng paaralan. Mayroon din itong tatlong palikuran, pasilidad para sa tubig, sanitasyon at kalinisan, at sistema para sa pag-iipon ng tubig-ulan.

Dinisenyo ang mga gusali upang makayanan ang hangin na may bilis na hanggang 250 kilometro kada oras at matugunan ang mga pamantayan sa kaligtasan laban sa lindol. Tiniyak din na maaliwalas, presko at may sapat na natural na liwanag ang mga silid-aralan.

Unang ipinamahagi noong Hunyo ang mga LCS unit sa Kalawakan Elementary School sa Bulacan, Buli Elementary School sa Quezon, at Magwawa Integrated School sa Davao del Norte.

Kabilang sa mga sumunod na paaralang nakatanggap ng mga gusali ang Don Marcelo Marty High School sa Zambales, Doroteo Elementary School sa Davao de Oro, Loon North High School sa Bohol, San Jose Elementary School at Lennec Elementary School sa Nueva Ecija, Lubao Elementary School sa Pampanga, at Digap-Fulgosino Community School sa Pangasinan.

Nakatakdang magtayo ng kabuuang 878 unit sa unang dalawang yugto ng proyekto.

Binigyang-diin ni Angara na dapat matiyak na maayos na naitatayo ang bawat silid-aralang pinopondohan ng pamahalaan.

Bahagi ang proyekto ng mas malawak na hakbang ng DepEd upang matugunan ang inaasahang kakulangan na 165,000 silid-aralan sa bansa. Katuwang nito ang Department of Public Works and Highways (DPWH), mga lokal na pamahalaan, at pribadong sektor. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here