CAMP MARCELO A. ADDURU, Tuguegarao City, Cagayan — Pormal nang itinalaga bilang bagong Officer-in-Charge (OIC) ng Batanes Police Provincial Office (BPPO) si PCol George P. Cablarda sa isinagawang Assumption of Office Ceremony na pinangunahan ni PBGen Mariano C Rodriguez, Regional Director, sa PRO2 Transformation Lounge, Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City, Cagayan. (Oktubre 23, 2026)
Pinangunahan ni PLTCol Honey Mae R Ruiz, Officer-in-Charge ng Regional Personnel and Records Management Division (RPRMD), ang pagbasa ng Assumption Order, na sinundan ng pormal na pagbasa at paglagda ni PCol Cablarda sa kanyang Assumption of Office.
Binigyang diin ni PBGen. Rodriguez, ang tunay na pamumuno ay hindi lamang nasusukat sa ranggo o talino, kundi higit sa lahat ay sa karakter, integridad, katapangan, at kakayahang pangalagaan ang tiwala ng mamamayan.
“Leadership is never defined by rank or intellect alone; it is forged in character. It is a sacred torch passed from one dedicated servant to the next,” bahagi ng mensahe ng Regional Director.
Kaugnay nito, kinilala rin ni PBGen. Rodriguez ang naging kontribusyon ng dating Provincial Director na si PCol. Efren T Geraban sa pagpapatatag ng disiplina, tiwala ng komunidad, at kahusayan sa operasyon ng kapulisan sa Batanes. Binigyang-pugay niya ang iniwang pamana ng pamumuno na magsisilbing gabay at inspirasyon sa mga pulis ng lalawigan.
Hinikayat ni PBGen. Rodriguez si PCol. Cablarda na higit pang palakasin ang ugnayan ng kapulisan at komunidad, itaguyod ang propesyonalismo sa hanay ng mga pulis, at tiyaking ang bawat serbisyo ay tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga Ivatan.
Bilang hamon sa bagong pamunuan ng Batanes PPO, binigyang-diin ni PBGen Rodriguez ang kahalagahan ng patuloy na pagtataas ng pamantayan sa mga operasyon ng kapulisan at ang buong pusong pagtupad sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Ang pag-upo ni PCol Cablarda ay inaasahang magpapatibay sa mga umiiral na programa ng Batanes PPO, partikular sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagpigil sa kriminalidad, at pagpapalakas ng police-community relations.
Muling pinagtitibay ng Police Regional Office 2, sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Rodriguez, ang pangako nitong maghatid ng isang kapulisan ng isang makabago, maaasahan, at makataong serbisyo publiko sa buong Cagayan Valley.
Samantala ang nasabing seremonya ay sumisimbolo sa pagpapatuloy ng matatag na pamumuno, disiplina, at mahusay na serbisyo ng kapulisan sa lalawigan ng Batanes, kasabay ng panibagong direksiyon sa pagpapalakas ng seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa nasabing lalawigan. (REY VELASCO)