MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Bam Aquino sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipagpaliban ang pagpapatupad ng requirement na Registration Seal Badge o alisin ang multa sa hindi makasusunod dito hanggang sa katapusan ng taon.
Sa pahayag, sinabi ni Aquino, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship na layunin ng panukala na bawasan ang pasanin ng online businesses sa gitna ng krisis sa enerhiya at langis.
Ginawa ni Aquino ang panawagan kasunod ng mga pangamba ng ilang online businesses kaugnay ng patakaran ng BIR na nag-aatas sa kanila na magpakita ng badge bago o sa Oktubre 31, 2026, alinsunod sa Revenue Regulations No. 015-2024.
“Nahihirapan na nga ang ating mga online business, online sellers, pati na online creators, sa mataas na presyo ng kuryente at langis, tapos pahihirapan pa natin sila sa sa prosesong ito na wala namang benepisyo sa kanila. Hindi naman ito tama,” wika ni Aquino.
“Dahil marami pa ring kalituhan at kakulangan sa paliwanag ukol sa patakarang ito, mas maganda kung ihinto muna ito o huwag munang patawan ng multa ang ating online businesses hanggang sa katapusan ng taon upang mabawasan ang kanilang alalahanin habang inaayos nila ang kanilang compliance,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng Revenue Regulations No. 15-2024, may katapat na multa ang mga paglabag na may kinalaman sa pagpaparehistro at pagpapaskil ng mga dokumento ng rehistro. Kabilang dito ang multang P1,000 para sa late voluntary registration, P1,000 para sa hindi pagpaparehistro ng pangalan ng tindahan o negosyo, at P1,000 sa bawat paglabag sa hindi pagpapaskil ng Certificate of Registration (COR) o electronic Certificate of Registration (eCOR) sa lugar ng negosyo o sa kaukulang online platform.
Hinikayat din ni Aquino ang BIR na magsagawa ng public consultation sa online sellers at content creators para linawin ang bagong requirement at sagutin ang mga katanungan ukol sa privacy at proteksiyon ng kanilang personal information.
“Mabuting magharap-harap ang lahat ng stakeholder upang mabigyan ng BIR ng kasagutan ang napakarami nilang tanong ukol sa panibagong requirement na ito,” wika niya.
Iginiit ni Aquino na habang may responsibilidad ang mga negosyo na sumunod sa tax regulations, dapat ding tiyakin ng gobyerno na ang mga requirement nito ay simple, malinaw, at accessible sa mga ordinaryong taxpayers, lalo na sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Bilang bahagi ng kanyang five-point agenda bilang chairperson of the Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, layon ni Aquino na bawasan ang pasanin ukol sa regulasyon sa MSMEs, artists, at content creators sa pamamagitan ng pagpapadali sa mga proseso sa pamahalaan at pag-alis sa mga hindi kailangang requirements at proseso.
Nakatuon din ang five-point agenda sa pagpapalawig ng suporta sa MSMEs, pagtataguyod ng high-growth industries, pagtatatag ng farmer at MSME support at voucher program, at pagpapalakas sa creative economy ng bansa.
Bilang matibay na tagasuporta ng MSMEs, itinulak ni Aquino ang pagpasa ng Go Negosyo Act (Republic Act No. 10644) bilang principal sponsor at principal author noong panahon niya bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.
Nagbibigay ang batas ng mas malawak na access sa mga MSME sa mga merkado at financing, training at capacity-building programs, at pinasimpleng proseso ng business registration para sa mga negosyanteng nagsisimula o nagpapalago ng kanilang negosyo. Ernie Reyes