Home NATIONWIDE DSWD magpapaabot ng tulong sa mga vendor sa nasunog na Sorsogon City...

DSWD magpapaabot ng tulong sa mga vendor sa nasunog na Sorsogon City Public Market

1
0

MANILA, Philippines – Nagsimula nang mamigay ng relief assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Linggo, Oktubre 25, sa mga indibidwal na naapektuhan ng sunog na sumiklab sa Sorsogon City Public Market noong Sabado ng gabi.

Ayon sa DSWD, may kabuuang 776 na family food packs (FFPs) ang naipamahagi sa Barangay Sirangan Covered Court sa Sorsogon City bilang paunang tugon upang matugunan ang agarang pangangailangan ng pagkain ng mga tindero sa palengke na naapektuhan ng sunog.

“Base po sa inisyal na report ng aming Field Office sa Bicol Region, nagsimula ang sunog bandang 10:00 ng gabi kahapon ng Sababo at mga nagtitinda sa palengke ang apektado. Agad po tayong nagpapadala ng tulong ngayong araw para maibsan ang pangangailangan ng mga naapektuhan at tiyak na makatatanggap sila ng agarang tulong habang patuloy nating tinutukoy ang iba pa nilang pangangailangan,” sabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao, ang tagapagsalita ng DSWD.

Ayon sa mga ulat, humigit-kumulang 300 market stalls ang nasunog, bagama’t sinusuri pa ang lawak ng pinsala at bilang ng mga apektadong vendor, kabilang ang mga ambulant vendor.

Sinabi ni Asst. Secretary Dumlao na inatasan din ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang DSWD Field Office (FO) 5 – Bicol Region na magbigay ng agarang tulong sa mga naulilang pamilya at mas masuri ang pangangailangan ng mga vendor na naapektuhan ng sunog.

“Base rin po sa inisyal na ulat, may limang tao na pumanaw sa insidente. Nakikiramay po ang DSWD sa mga naiwang pamilya. Sinisiguro po natin na magbibigay ang DSWD ng burial assistance upang makatulong sa gastusin sa pagpapalibing,” ipinunto ng DSWD spox.

Naghahanda rin ang DSWD para sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), upang matulungan ang mga apektadong indibidwal na makabangon mula sa insidente at matugunan ang kanilang mga agarang pangangailangan.

“Ang DSWD, sa ilalim ng direktiba ni Secretary Gatchalian, ay nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at sa mga apektadong pamilya upang matiyak na matutukoy ang mga nangangailangan ng tulong at mabibigyan sila ng angkop na interbensyon. Sinusuri rin namin ang sitwasyon sa lugar upang malaman ang iba pang mga pangangailangan ng mga biktima ng sunog at mga apektadong tindero,” pahayag ni Asst. Secretary Dumlao. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here