LEYTE, Philippines – Arestado ang isang 59-anyos na barangay kagawad mula sa Barugo, Leyte, matapos makarekober ang mga pulis ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa checkpoint operation sa Barangay Cayare, San Miguel, Leyte, noong Lunes.
Ayon sa San Miguel Municipal Police Station, pinara ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Aldo” dahil umano sa pagmamaneho ng motorsiklo nang walang helmet.
Sinabi ng pulisya na nahulog sa lupa ang hinihinalang ilegal na droga nang ilabas ng suspek ang kanyang driver’s license, dahilan upang mapansin at makuha ito ng mga awtoridad.
Tinatayang may kabuuang 0.48 gramo ang dalawang sachet, na nagkakahalaga ng P3,264 batay sa valuation ng Dangerous Drugs Board.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang ang suspek sa mga bagong natukoy na indibidwal na umano’y sangkot sa ilegal na droga.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa San Miguel police station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga ng Police Regional Office 8 sa pamumuno ni Brig. Gen. Romano Cardiño.
Pinuri ni Cardiño ang mga pulis na nagsagawa ng operasyon at binigyang-diin ang papel ng mga checkpoint sa pagtukoy ng ilegal na aktibidad at pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.
“We will continue conducting proactive police operations and hold those who violate the law accountable, regardless of their position in the community,” ani Cardiño.
Hinimok din niya ang publiko na sumunod sa batas at makipagtulungan sa mga awtoridad sa mga checkpoint upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Eastern Visayas. RNT/MDS