MANILA, Philippines – Ininspeksyon ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara nitong Miyerkules ng umaga ang kahandaan ng Lakandula High School sa Tondo, Maynila, sa epekto ng El Niño at sa seguridad ng mga mag-aaral.
Ayon kay Angara, maituturing nang “model school” ang nasabing paaralan dahil sa mga kagamitan at pasilidad na magagamit ng mga estudyante at kawani sa panahon ng emerhensiya.
Sa buong Maynila, ang Lakandula High School lamang umano ang nakasunod sa mga pamantayan sa kaligtasan at seguridad na nakita sa inspeksyon. Kabilang sa mga pasilidad nito ang CCTV cameras, metal detector, medical at rescue equipment, at Kaagapay program.
Mayroon din itong mga drop box at QR code na maaaring gamitin ng mga estudyante upang magsumbong ng pang-aabuso o pambubully.
“Maganda, maganda, I think model school siya,” ani Angara.
Bagama’t isinasagawa ang school audit at pagpapahusay ng mga safety measure sa lahat ng paaralan, sinabi ng kalihim na nagsisilbing halimbawa ang Lakandula dahil sa pagtutulungan ng Manila LGU at alumni association upang matugunan ang mga pangangailangan nito.








