MANILA, Philippines – Patuloy at pinaigting ng mga awtoridad ang manhunt operation laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng P50 milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na bahagi ng operasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies ang reward system.
“Iyan po ay ipinapaubaya ng Pangulo sa nasabing ahensiya at sa mga law enforcement agencies,” ani Castro.
Binasa rin ni Castro ang joint statement ng DILG at PNP na nagsasabing mas pinaigting ang police operations at mas malawak na public awareness hinggil sa paghahanap kay Dela Rosa.
Ayon sa Palasyo, dahil dito ay mas limitado na umano ang kakayahan ng senador na makakilos nang hindi napapansin ng publiko o mga awtoridad.
“Totoo na lumiliit ang mundo ni Senator Bato dahil ang maaaring makakita sa kaniya ay magbibigay ng impormasyon agad-agad sa PNP at sa ibang law enforcement agencies,” ani Castro.
Sinabi rin niya na sinusuri ang lahat ng impormasyong natatanggap ng mga awtoridad at agad inaaksyunan ang mga itinuturing na credible leads.
Pinamumunuan ni Police Lt. Gen. Wilson Joseph Lopez ang task force na nangangasiwa sa koordinasyon ng mga ahensyang sangkot sa manhunt.
Nilinaw din ni Castro na ang P50 milyong bounty ay magmumula sa confidential funds ng DILG.
Nauna namang kinuwestiyon nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pangangailangan ng malaking reward kung may impormasyon na umano ang mga awtoridad sa posibleng kinaroroonan ni Dela Rosa.
Tugon ni Castro, maaaring lumipat ng lugar ang senador kapag nalaman niyang natukoy na ng mga awtoridad ang kanyang lokasyon.
“Saan man siya pumunta, kailangan po na mahuli iyong dapat na mahuli,” ani Castro.
Iginiit din niyang dapat magkaroon ng resulta ang paggamit ng confidential funds dahil maaari itong kuwestiyunin kung walang malinaw na pakinabang sa operasyon.
Nanawagan naman ang DILG at PNP kay Dela Rosa na kusang sumuko at harapin ang legal process.
Samantala, humingi na ng intervention sa Supreme Court ang kampo ni Dela Rosa at muling humiling ng temporary restraining order upang pigilan ang kanyang pag-aresto kaugnay ng warrant na inilabas ng International Criminal Court.