Home NATIONWIDE China: PH ‘naglagay ng hadlang’ sa pagdalo sa ASEAN defense meet; Teodoro...

China: PH ‘naglagay ng hadlang’ sa pagdalo sa ASEAN defense meet; Teodoro kumontra

1
0

CEBU – Inakusahan ng China ang Pilipinas na umano’y “naglagay ng maraming hadlang” sa paglahok nito sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) sa Cebu, bagay na itinanggi naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Ayon sa spokesperson ng Chinese defense ministry, may ilang opisyal umano sa Pilipinas na gumamit ng kanilang posisyon upang hadlangan ang partisipasyon ng Beijing sa pagpupulong.

Sinabi rin ng China na ang naturang hakbang ay umano’y salungat sa ASEAN principle of consensus at sa diwa ng openness at inclusiveness ng regional bloc.

Sa ADMM-Plus, defense attaché lamang ng Chinese Embassy sa Manila na si Senior Captain Yang Lei ang ipinadala ng Beijing, habang ilang dialogue partners gaya ng United States, Japan at Australia ay kinatawan ng kanilang defense chiefs.

Tugon ni Teodoro, posisyon lamang iyon ng China at hindi ng ASEAN.

“It is China’s position; it is not ASEAN’s position,” ani Teodoro.

Dagdag niya, nabigyan naman ang China ng pagkakataong ihayag ang posisyon nito sa pagpupulong.

Nauna nang inanunsyo ng Chinese defense ministry na si Yang ang kakatawan sa bansa sa ADMM-Plus at nakatakdang makipagpalitan ng pananaw sa ibang kalahok hinggil sa dialogue, mutual trust at ASEAN centrality.

Natapos nitong Huwebes ang dalawang araw na ASEAN defense meetings sa Cebu sa gitna ng patuloy na tensyon sa South China Sea at mas malawak na usapin sa regional security cooperation. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here