MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pambansang programa para sa pagpapanumbalik ng mga kritikal na wetlands, ilog, at coral reef upang maprotektahan ang mga komunidad laban sa matinding init na inaasahang dulot ng napakalakas na El Niño.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel “Mitch” Cuna, mahalagang mapanatiling malusog ang mga ecosystem upang magsilbing panangga ng mga komunidad laban sa matinding init at iba pang epekto ng El Niño.
Sa pahayag ng DENR nitong Huwebes, sinabi ni Cuna na kabilang sa mga hakbang ng ahensya ang pag-aalis ng halos 100 metriko toneladang basura mula sa mga sanga ng ilog na dumadaloy sa Manila Bay, pangangalaga sa mga peatland ng Agusan Marsh, at pagprotekta sa mga coral reef sa Masbate at Aurora na apektado ng mataas na temperatura.
Sa Caraga Region, nagpatupad ang Protected Area Management Office (PAMO) ng Agusan Marsh Wildlife Sanctuary ng mga hakbang upang mapangalagaan ang mga peatland at freshwater wetland.
Nagsisilbing natural na espongha ang mga ito na tumutulong sa pagkontrol ng daloy ng tubig, pag-iimbak ng malaking halaga ng carbon, at pagpapalamig sa mga karatig na lugar.
Kabilang sa mga hakbang ang pagtatanim ng mga punong angkop sa mga wetland sa mga tabing-ilog at pagsubaybay sa mga drainage canal upang maiwasan ang labis na pagkawala ng tubig.
Samantala, pinaigting ng Manila Bay Site Coordinating and Management Office (MBSCMO) ng DENR ang paglilinis ng mga ilog at daluyan ng tubig sa Metro Manila at Central Luzon sa ilalim ng Manila Bay Rehabilitation Initiative.
Sa Pampanga, nagsagawa ang River Rangers ng 10-araw na operasyon sa mga ilog, sapa, at estuwaryo sa pakikipagtulungan sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Umabot sa 98,618.93 kilo ng solid waste, katumbas ng 15,267 sako, ang nakolekta mula sa mga trash trap at pampang ng mga ilog.
Layunin ng paglilinis na maiwasan ang pagbabara, mapanatili ang maayos na daloy ng tubig, at mabawasan ang naiipong basura sa mga daluyang patungo sa Manila Bay.
Patuloy rin ang pagsubaybay ng MBSCMO sa mga pinagkukunan ng suplay ng tubig, ilog, at sapa sa Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, at Tarlac, katuwang ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan.
Minomonitor naman ng DENR Region 3 ang epekto ng mataas na temperatura ng dagat sa mga baybaying sakop ng Aurora, Bataan, at Zambales upang masuri ang kalagayan ng mga yamang-dagat at maprotektahan ang pangisdaan.
Sa Bicol Region, tinukoy ng DENR Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Masbate ang mga mabababaw na coral area at seagrass bed sa Mobo at San Jacinto na bulnerable sa matinding init.
Sinimulan na rin ang pagsusuri kada dalawang linggo sa coral bleaching at fish kill. Iniuulat ang mga resulta sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), mga Municipal Agriculture Office, at mga tanggapan ng disaster risk reduction para sa koordinadong pagtugon.
Nilinis din ng mga field personnel ang mga baradong daluyan ng tubig upang mapanatili ang pagdaloy ng tubig-dagat sa mga bakawan. Ipinagbawal din ang pag-angkla ng mga bangka at pagkuha ng yamang-dagat sa mga coral reef na apektado ng mataas na temperatura upang mabigyan ng pagkakataong makabawi ang mga ito.
Bukod dito, nagsagawa ang DENR ng pagpapalaganap ng impormasyon sa mga mangingisda at grupo ng komunidad tungkol sa masasamang epekto ng matinding init sa mga yamang-dagat. RNT/JGC