Home METRO Ilang lane sa EDSA southbound, pansamantalang isasara para sa rehab

Ilang lane sa EDSA southbound, pansamantalang isasara para sa rehab

4
0

QUEZON CITY, Philippines – Inaasahan ang pansamantalang pagsasara ng ilang lane sa EDSA southbound simula Biyernes ng gabi, Oktubre 30, hanggang madaling-araw ng Lunes, Nobyembre 2, dahil sa ikalawang yugto ng rehabilitasyon ng highway.

Saklaw ng road reblocking ang tatlong bahagi ng EDSA, mula sa lugar matapos ang Kamuning Flyover malapit sa NEPA Q-Mart Bus Station hanggang Guadalupe.

Ayon sa DPWH-National Capital Region, kabilang sa mga apektadong bahagi ang:

–Area 1: Mula matapos ang EDSA Kamuning Flyover (NEPA Q-Mart Bus Station) hanggang matapos ang EDSA Shaw Underpass.

–Area 2: Mula matapos ang EDSA Shaw Underpass hanggang Boni Avenue.

–Area 3: Mula Boni Avenue hanggang Guadalupe.

Magsisimula ang pagkukumpuni alas-10 ng gabi sa Oktubre 30 sa pamamagitan ng pagbabakbak ng pavement at paghakot ng mga debris.

Sa Oktubre 31, isasagawa nang 24 oras ang paghahanda ng base, paglalagay ng rebar at pagbubuhos ng konkreto. Susundan ito ng cutting, sealant application, curing at paglilinis sa Nobyembre 1, na isasagawa rin nang 24 oras.

Ayon sa DPWH, hindi tuloy-tuloy ang pagkukumpuni sa bawat bahagi ng kalsada. Pansamantalang isasara ang mga apektadong lane, ngunit mananatiling bukas sa mga motorista ang natitirang mga lane.

Inaasahang muling bubuksan sa trapiko ang lahat ng apektadong lane sa Lunes, Nobyembre 2, alas-5 ng madaling-araw.

Pinayuhan ng ahensya ang mga motorista na mag-ingat, sumunod sa mga ipatutupad na traffic management measures at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala sa biyahe.

Kasabay ng Undas long weekend ang pagsasagawa ng mga pagkukumpuni, kung kailan inaasahang dadami ang mga biyaherong uuwi sa kani-kanilang probinsiya para sa paggunita ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here