Home NATIONWIDE Lacson nagpasalamat sa testimonsya ni Bernardo sa kickbacks

Lacson nagpasalamat sa testimonsya ni Bernardo sa kickbacks

1
0

MANILA, Philippines – Nagpasalamat si Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Biyernes, Oktubre 30, kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo matapos nitong sabihin na si Lacson lamang ang senador na walang anumang commitment sa mga proyekto ng imprastraktura ng pamahalaan.

Ginawa ni Bernardo ang pahayag nitong Huwebes habang sinasagot ang mga tanong ni Third Division Associate Justice Ronald Moreno sa pagdinig. Tinanong umano siya kung may mga mambabatas na inalok ng commitment fees o kickbacks ngunit tumanggi.

Ayon kay Bernardo, wala siyang kilalang kongresistang inalok at tumanggi, at sinabi niyang “only Senator Lacson did not have any commitment.”

Sinabi ni Lacson na dapat nang patahimikin ng testimonya ang mga nagdududa sa kanyang integridad.

“To the naysayers, let me be clear: I have never asked for or accepted allocables, leadership funds, bribes, or lobby money in any capacity in government. My greatest inheritance from my beloved parents, regardless of our station in life, is my integrity, and no amount of doubt can take that away,” ani Lacson.

Ayon sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP), palagi niyang tinanggihan ang pork barrel sa anumang anyo, gayundin ang mga suhol na ipinapakita bilang “lobby money,” noong siya ay nasa serbisyo at bilang mambabatas.

Ikinuwento rin niyang tinanggihan niya ang mga alok na suhol mula sa mga operator ng sugal at iba pang personalidad na sangkot sa krimen. Hindi rin umano niya tinanggap ang mga gantimpalang inialok ng mga kamag-anak ng mga biktima ng kidnapping na nailigtas niya at ng kanyang mga tauhan.

Muling ipinangako ni Lacson na ipagtatanggol ang kanyang integridad na kinuwestiyon ni Sen. Alan Peter Cayetano noong Hulyo dahil sa pagtaas ng kanyang idineklarang net worth batay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) noong 2025 kumpara sa 2022.

Nilinaw ni Lacson na halos apat na beses ang itinaas ng kanyang net worth sa loob ng tatlong taong wala siya sa gobyerno matapos umalis sa Senado noong Hunyo 30, 2022. Sinabi niyang nagmula sa legal na pagkakakitaan ang kanyang yaman, na makikita umano sa kanyang income tax returns (ITRs) para sa taxable years 2023 at 2024.

Kasunod ng mga pahayag ni Cayetano, sinabi ni Lacson na natuklasan niya at ng kanyang staff ang ilang iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura at ilegal na reclamation sa Taguig City, na political bailiwick ni Cayetano.

Ayon kay Lacson, naisumite na sa Office of the Ombudsman ang hindi bababa sa 45 case studies tungkol sa umano’y sistematikong anomalya sa mga flood control project sa Taguig. Bumuo na rin umano ang Ombudsman ng fact-finding team upang imbestigahan ang mga alegasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here