SA mga abogado at tagapagtanggol, nararapat lamang na maging maingat, responsable, at malinaw sa pagpapaliwanag ng batas, lalo na pagdating sa usapin ng warrant of arrest.
Ang warrant of arrest ay hindi basta papel na maaaring balewalain, suwayin o ipagpalit sa ibang proseso. Isa itong ligal na kautusan na nagmumula sa kapangyarihan ng hukuman at dapat harapin alinsunod sa umiiral na batas.
Mas inaasahan ang ganitong pag-unawa sa isang abogado na siya ring mambabatas. Dapat alam niya ang pagkakaiba ng domestic law, international legal obligations at judicial authority. Hindi maaaring paghalu-haluin ang mga ito para lamang bigyang-katwiran ang sariling argumento o paninindigan.
Kung babalikan ang madugong kampanya kontra droga, hindi ba’t napakakaunti ng mga kasong naihain laban sa mga sangkot sa mga pagpatay? Hindi ba’t marami ang nagdududa na ang pananahimik at kawalan ng pagkilos ay bunsod ng takot na makabangga ang administrasyong Duterte?
Ngayon, sinisingil na si Senador Bato dela Rosa kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa implementasyon ng war on drugs at Tokhang, na naging dahilan ng pagkamatay ng maraming indibidwal na itinuring na matitigas ang ulo o sangkot sa iligal na droga.
Kung susuriin ang mga naganap noon, hindi maikakailang maraming pangyayari ang nagbukas ng usapin tungkol sa paglabag sa karapatang pantao, paggamit ng kapangyarihan at kawalan ng pananagutan. Hindi dapat maging batayan ang pagkampi sa personalidad upang husgahan kung sino ang tama o mali.
Kailangang suriin ang ligal na batayan, ang umiiral na kautusan ng International Criminal Court, ang mga obligasyon ng pamahalaan at ang mga karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
Sa ilalim ng Rule 113 ng Rules of Criminal Procedure at Article III, Section 2 ng Konstitusyon, malinaw na hindi dapat maging arbitraryo ang pag-aresto. Bawat hakbang ng mga awtoridad ay kailangang may ligal na batayan at sumunod sa due process.
Kung abogado ka at mambabatas pa, tungkulin mong magpaliwanag nang tama, hindi maghasik ng kalituhan. Hindi sapat na igiit ang kawalan ng lokal na warrant of arrest nang hindi isinasaalang-alang ang kabuuang ligal na konteksto.






