MANILA, Philippines – Sugatan ang isang kilalang motorcycle racer at vlogger matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang motorcycle shop sa Antipolo City, Rizal nitong Huwebes.
Nakita ng kanyang mga tauhan ang biktima na nakahandusay at duguan bandang alas-2 ng hapon sa Sitio Parugan, Barangay San Jose.
Ayon sa isang testigo, apat na lalaki na sakay ng mga motorsiklo ang bumaba at pumasok sa shop.
Nakasuot umano ang mga ito ng unipormeng kahawig ng ginagamit ng motorcycle taxi riders at pawang naka-helmet.
“Parang simpleng tao lang na pumasok sa shop. Maya-maya may narinig na kaming putok, apat na beses,” ayon sa testigo.
Matapos ang pamamaril, kalmado umanong umalis ang apat na lalaki sa lugar.
Isang concerned citizen ang nagsugod sa biktima sa ospital, kung saan patuloy siyang ginagamot.
Agad namang rumesponde ang barangay at pulisya sa insidente at tiniyak na wala nang iba pang nasaktan.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril.
Nagkasa na rin ng dragnet operations ang pulisya upang matukoy at maaresto ang mga suspek.
“Sa mga mapagsamantala po na gumagawa ng krimen na ganyan, magtutulungan po ang barangay at kapulisan, mailalagay din po kayo sa likod ng rehas,” ani Ferdinand Cendaña, officer-in-charge ng Barangay San Jose.
Patuloy pang kinukuha ng mga awtoridad at media ang karagdagang impormasyon mula sa pamilya at mga testigo kaugnay ng insidente. RNT