PAMPANGA, Philippines – Ipinahinto ng Inter-Agency Lawful Business Operations Coordination Task Force (IALBOCTF) ng lungsod ang operasyon ng isang animal crematorium sa Barangay Panipuan dahil sa kawalan ng business permit.
Sa pahayag nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng San Fernando City Hall na ininspeksiyon ng IALBOCTF ang Holistic Animal Doctor Crematorium noong Nobyembre 3.
Bagama’t nagpakita ang pamunuan ng permit to operate mula sa Environmental Management Bureau, wala naman itong business permit mula sa city government.
“Natukoy rin ng City Health Office ang kakulangan sa sanitary permit, bentilasyon sa silid na ginagamit sa paglilinis ng mga labi ng hayop, at mga kinakailangang Health Certificate at personal protective equipment ng mga tauhan,” ayon sa city government.
Iniutos ng lokal na pamahalaan na itigil ang operasyon ng pasilidad.
Natuklasan din sa inspeksiyon na hindi umano matukoy ng crematorium ang isang mass burial site.
“Sa pagsusuri sa Holistic Animal Doctor Crematorium, natuklasang may dalawang cremation machines ang pasilidad, bagama’t isa lamang ang nakadeklara sa mga dokumentong ipinakita,” dagdag ng city government.
Nakita rin ng City Environment and Natural Resources Office na hindi sumusunod ang establisimyento sa mga kinakailangan sa waste management at environmental compliance.
“Kabilang dito ang hindi pagpapakita ng ilang kinakailangang environmental documents, kawalan ng maayos na hazardous waste storage facility, at paghahalo ng iba’t ibang uri ng basura sa waste holding area,” ayon dito.
Inatasan ng city government ang may-ari na isumite ang mga kinakailangang dokumento at tiyaking sumusunod ang pasilidad sa mga batas at regulasyon sa waste management at iba pang environmental requirements bago muling payagang mag-operate. RNT/MDS