CAVITE, Philippines – Ilang sunog na buto ng tao ang natagpuan sa isang tuyong sapa sa Purok 7, Barangay Halang, Amadeo, Cavite.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nadiskubre ang mga buto dakong alas-3:15 ng hapon sa ilalim ng puno ng santol at sa gilid ng sapa.
Napansin din ng mga awtoridad ang mga bakas ng pagsunog na tila ginamitan ng tela. Nakakalat din sa lugar ang iba pang piraso ng mga buto.
Nakipag-ugnayan ang Amadeo Police sa Special Investigation Task Group (SITG) ng General Trias City Police upang magsagawa ng follow-up investigation at search operation kaugnay ng iniulat na pagkawala ng isang indibidwal sa lugar.
Hindi pa nakikilala ang biktima habang isinasailalim sa pagsusuri ang mga buto upang matukoy kung pag-aari ang mga ito ng taong iniulat na nawawala sa General Trias City. MARGIE BAUTISTA