Home NATIONWIDE 3M PWD ID holders muling iparerehistro

3M PWD ID holders muling iparerehistro

1
0

MANILA, Philippines – Tinatayang tatlong milyong may hawak ng Persons with Disabilities (PWD) ID ang kailangang magparehistro sa bagong unified digital ID system ng pamahalaan na layong palitan ang mga lumang pisikal na ID sa loob ng tatlong taon at matukoy ang mga pekeng pagkakakilanlan.

Sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 001, s. 2026 ng National Council on Disability Affairs (NCDA), na nilagdaan noong Hulyo, bibigyan ng tatlong taon ang pamahalaan upang makumpleto ang pangangalap at pagsasama-sama ng datos ng mga PWD sa bagong sistema.

Ayon kay NCDA Executive Director Glenda Relova, maaaring magparehistro ang nasa 2.9 milyong may hawak ng balido at hindi pa expired na PWD ID sa kani-kanilang local government unit (LGU) sa pamamagitan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) o Social Welfare and Development Office.

Hindi na kailangang magsumite muli ng disability certificate ang mga dating may hawak ng PWD ID.

Gayunman, maaaring ipasuri sa mga medical specialist ang pagiging tunay ng kanilang mga rekord kung may pagdududa o hindi pagkakatugma sa impormasyon.

Paliwanag ni Relova, karaniwang ang mga hindi nakikitang kapansanan ang ginagamit sa paggawa ng mga pekeng PWD ID.

Sa bagong sistema, maaaring ipagpaliban ng LGU ang pag-apruba at paglalabas ng ID kung may pagdududa sa isinumiteng dokumento.

Para naman sa mga bagong aplikante, kailangang magsumite ng disability certificate na pirmado ng lisensiyadong doktor o espesyalista.

Sa sandaling makapagparehistro, maaari nang agad ibigay ang digital ID habang ang pisikal na card ay ipi-print lamang kapag hiniling ng may-ari.

Nakatala rin sa sistema ang mga empleyado ng LGU na nag-encode, nag-apruba at nag-print ng ID upang matiyak ang pananagutan sa bawat transaksyon.

Ang bagong digital PWD ID ay magkakaroon ng natatanging QR code at alphanumeric number. Habambuhay ang bisa nito para sa mga taong may permanenteng kapansanan.

Samantala, magkakaroon ng muling pagpapatunay o revalidation kada limang taon para sa mga may hindi nakikitang kapansanan, kabilang ang mga na-diagnose na may mental at psychosocial disorders.

Ayon sa administrative order, dapat maging accessible, hindi pabigat at walang diskriminasyon ang proseso ng revalidation. Hindi rin maaaring suspindihin o ipagkait ang mga benepisyo ng PWD nang walang wastong proseso.

Sinabi naman ni NCDA spokesperson Walter Alava na ang mga ganitong uri ng kapansanan ang pinakamadalas umanong ginagamit sa pagkuha ng pekeng PWD ID, batay sa kanilang paunang pagtataya.

Siyam na uri ng kapansanan ang kinikilala sa kasalukuyang rehistro ng Department of Health (DOH) at ginagamit din ng NCDA. Kabilang dito ang speech impairment, pagiging deaf at hard of hearing, cancer, rare disease, learning disability, intellectual disability, mental disability, psychosocial disability, visual disability at physical disability.

Hanggang noong Oktubre 21, nasa 3.3 milyon ang rehistradong PWD sa bansa, ngunit 2.9 milyon lamang dito ang gumagamit ng PWD ID, ayon kay Relova.

Una nang tinaya ng Department of Justice (DOJ) na nasa anim na milyon ang diperensya sa bilang ng mga PWD at may hawak ng PWD ID.

Gayunman, itinanggi ito kamakailan ng mga opisyal ng NCDA at sinabing lumang pagtataya lamang ito na inilabas noong 2024 Senate inquiry.

Kasunod ng imbestigasyon ng Senado, inatasan ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang NCDA na tugunan ang problema sa pamamagitan ng pagtatatag ng database at unified PWD ID system.

Samantala, kinilala ni Alava na wala pang napapanagot sa ngayon dahil sa maling paggamit ng PWD ID, bagama’t minomonitor na ng NCDA ang ilang kaso sa Metro Manila.

Nagbabala naman ang mga awtoridad na maaaring maharap sa kasong kriminal, kabilang ang falsification of public documents, ang mga taong nagpapanggap na may kapansanan upang makakuha ng PWD ID.

Maaari ring mapatawan ng administratibong parusa, kabilang ang pagkakatanggal sa serbisyo at permanenteng diskwalipikasyon, o kasong kriminal tulad ng graft ang mga empleyado ng pamahalaang kasabwat sa ilegal na pag-isyu ng mga ID.

Hinimok naman ni Atty. Romulo Macalintal, tagapagtaguyod ng karapatan ng mga PWD at senior citizen, ang pamahalaan na papanagutin ang mga opisyal na umaabuso sa kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng PWD ID sa mga hindi kwalipikadong indibidwal kapalit ng personal na pabor.

Binigyang-diin din niya na dapat gabayan ang mga establisimyento sa pagkilala sa mga pekeng PWD ID, lalo na ang mga mukhang lehitimo ngunit inilabas ng mga organisasyong PWD.

Nilinaw ni Macalintal na tanging PWD ID na inisyu ng pamahalaan ang kinikilala sa ilalim ng batas at hindi dapat tanggapin ang mga ID na inilabas lamang ng mga pribadong organisasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here