MANILA, Philippines – Nakatanggap ng kabuuang P520 milyon na tulong mula sa national government ang nasa 16 local government units sa Soccsksargen sa muling pagbuo sa mga komunidad na napinsala ng magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ceremonial turnover ng pondo sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP) sa Malacañang Palace noong Nobyembre 5.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) 12, kabilang sa beneficiary local governments ang General Santos City, Sarangani province at walong munisipalidad nito, ang Glan, Malapatan, Maasim, Kiamba, Maitum, Malungon at Alabel.
Kasama rin dito ang Koronadal City at anim na munisipalidad ng South Cotabato na Tboli, Lake Sebu, Polomolok, Tupi, Santo Niño at Banga.
Popondohan ng tulong na ito ang reconstruction at rehabilitation ng mga nasirang kalsada, tulay, public buildings, at pasilidad, maging ang housing at resettlement projects.
Sa ilalim ng alokasyon, ang General Santos City, Sarangani provincial government at Glan municipal government ay kapwa nakatanggap ng tig-P100 milyon, habang ang Malapatan ay nakakuha ng P50 milyon.
Ang Maasim, Kiamba at Maitum sa Sarangani, kasama ang Koronadal City, Tboli, at Lake Sebu sa South Cotabato ay tatanggap ng P20 milyon.
Samantala, ang Malungon at Alabel sa Sarangani, maging ang Polomolok at Tupi sa South Cotabato, ay tumanggap ng tig-P10 milyon.
Habang ang Santo Niño at Banga ay tumanggap naman ng tig-P5 milyon.
Ang tulong ay nagmula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), na pinangangasiwaan ng OCD. RNT/JGC